January 22, 2025

Home BALITA National

VP Sara, walang balak siputin hearing tungkol sa kaniyang confidential funds

VP Sara, walang balak siputin hearing tungkol sa kaniyang confidential funds
Photo courtesy: Office of the Vice President of the Philippines/Facebook

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi raw niya sisiputin ang nakatakdang House hearing kaugnay ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).

Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo nitong Biyernes, Nobyembre 15, 2024, tahasan niyang sinabi na hindi na raw siya sisipot sa anumang mga pagdinig.

"Hindi ako aattend na sa hearings na susunod. Kasi nandoon na ako, pumunta na ako eh, tapos wala man silang pinagawa sa akin. Pinaupo lang nila ako doon,” anang Pangalawang Pangulo.

Matatandaang noong Miyerkules, Nobyembre 13 nang pumunta sa House Quad Comm ang Bise Presidente kung saan kasalukuyang dinidinig ng komite ang isyu ng war on drugs ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Pumunta ako, umupo ako doon hindi man nila ako tinanong. Kung makikita niyo nakaupo lang ako doon, nasasayang yung oras ko, kaya nagpaalam ako kung pwede ako umalis, pinayagan naman nila ako na umalis ako. So hindi ko alam kung bakit inimibita nila ako, hindi naman nila ako binigyan ng mga tanong,” ani VP Sara.

Ayon sa ulat ng ilang local media outlets, natanggap daw ng Pangalawang Pangulo ang imbitasyon ng House committee noong Miyerkules habang ito ay nasa naturang hearing ng kaniyang ama.

Samantala, dagdag pa ni VP Sara, nakahanda naman daw siyang magpasa ng isang “under oath affidavit” ng hinggil sa paggamit niya ng confidential funds at isa pang letter na nagsasaad daw ng kaniyang pagliban sa pagdinig na nakatakda sa Nobyembre 20.

“Pero we plan to send a letter, we plan to say why, and then I plan as well to submit an affidavit about the confidential funds. Under oath din naman 'yang affidavit na 'yan,” saad ng Pangalawang Pangulo.

Matatandaang Agosto 2024 nang maungkat at gumulong ang pagdinig sa umano’y maanomalyang paggamit ng OVP sa kanilang confidential funds.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara 'di iniiwasan tanong tungkol sa confidential funds, depensa ng OVP spox

Kate Garcia