November 15, 2024

Home BALITA National

Ex-Pres. Duterte, magsasampa raw ng libel case laban kay Trillanes

Ex-Pres. Duterte, magsasampa raw ng libel case laban kay Trillanes
Photo courtesy: House of Representatives of the Philippines/Facebook

Inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang plano niyang pagsasampa ng libel case laban kay dating Senador Antonio "Sonny" Trillanes IV, kasunod ng naging alegasyon daw nito sa kaniya sa Quad Comm hearing noong Nobyembre 13, 2024.

Binanggit ng dating Pangulo ang naturang plano matapos niyang tumawag sa kalagitnaan ng TikTok at Facebook live ni dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong Huwebes, Nobyembre 14, 2024.

“Tumawag ako sa iyo kasi yung kasinungalingan ni Trillanes gusto kong ikonsulta kasi I have to file libel cases against him, ikaw yung abogado para sabihin ng tao totoo, ni isang katiting doon wala,” saad ng dating Pangulo.

Matatandaang iginiit ni Trillanes noong Quad Comm hearing ang umano’y bank document na magpapatunay daw ng aniya’y ₱2.4B transakyong nai-deposit sa pamilya Duterte mula 2011 hanggang 2015. 

National

Diokno kay Ex-Pres. Duterte: ‘Tara na, i-set na natin ang date mo sa ICC!’

Dagdag pa ni FPRRD, ayaw niya na raw magsalita at patunayan na lang daw ng senador ang iginigiit nitong bank document. 

“Ayoko na lang magsalita basta ako mag-file ng kaso. Patunayan niya sa korte kung… puro kabulastugan na fake news I will just file a case,” ani FPRRD.

Ang naturang alegasyon din ni Trillanes ang isa sa naging mitsa nang bahagyang magkagulo sa naturang pagdinig ng Quad Comm, na nauwi sa akmang hahatawin ni FPRRD ng mikropono ang dating senador.

BASAHIN:  'Sampalin ko siya sa publiko?' FPRRD at Trillanes nagkainitan, inambahan ng mikropono

Kaugnay nito, sinabi rin ni Duterte na kung mapatunayan daw ang pahayag ni Trillanes, nakahanda raw siya na utusan ang mga anak na mag-resign sa kani-kanilang posisyon nito sa gobyerno.

“Kung too yan I will ask my daughter to resign as Vice President at yung anak kong Mayor, magresign, dapat lang, dapat lang kung totoo,” giit ng dating Pangulo. 

Samantala, ayon sa ulat ng Manila Bulletin, hindi raw ito ang unang pagkakataon na naglabas ng pahayag si Trillanes hinggil sa umano’y bank account ng mga Duterte na minsan niya na ring iginiit noong 2016.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Trillanes hinggil sa balak na pagsasampa ng libel ng dating Pangulo laban sa kaniya. 

Kate Garcia