Kinumpirma ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na minamatahan na raw nilang bigyan ng accreditation ang vloggers at content creators sa bansa.
Ang nasabing kumpirmasyon ay pinangunahan ni KBP President Noel Galvez sa panayam niya sa media mula sa 50 Top-Level Management Conference na isinagawa sa Tagaytay City nitong Huwebes, Nobyembre 14, 2024.
“Pagdating sa pagbo-broadcast na guidelines kung makakasama pati yung mga vloggers sa magiging responsable just imagine kung ano magiging effect nito sa mga community natin hindi na tayo maghahanap ng iba pa,” ani Galvez.
Dagdag pa niya hindi na raw limitado ang broadcasting sa radyo at telebisyon dahil umano sa paggamit ng isang tao na makapag-broadcast gamit ang ilang makabagong teknolohiya.
“Nakikita nga natin na ang mga broadcasters ay hindi lang yung may hawak na radyo, hindi lang yung may telebisyon, kundi ito rin ay isang tao na nagbo-broadcast siya, using the technology that is available right now," saad ni Galvez.
Nilinaw din ni Galvez na hindi lang daw limitado para sa mga indibidwal dahil maging ang mga organisasyong binubuo ng vloggers at content creator ay maaaring mabigyan ng nasabing accreditation.
KATE GARCIA