November 23, 2024

Home BALITA

'Sampalin ko siya sa publiko?' FPRRD at Trillanes nagkainitan, inambahan ng mikropono

'Sampalin ko siya sa publiko?' FPRRD at Trillanes nagkainitan, inambahan ng mikropono
Photo courtesy: Screenshots from Manila Bulletin Online (YouTube)

Tila uminit ang ulo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay dating senador at Caloocan City mayoral candidate Antonio "Sonny" Trillanes IV habang isinasagawa ang Quad-Comm hearing kaugnay ng war on drugs at iba pang mga isyu sa dating administrasyon ng una, nitong Miyerkules, Nobyembre 13.

Naimbitahan si Trillanes kaugnay sa iba't ibang isyung ipinupukol niya laban sa dating pangulo, lalo na ang patungkol sa iba't ibang bank records, deposits, at milyong piso raw na natatanggap ng mga Duterte kaugnay sa umano'y illegal drug trade.

Saad pa ni Trillanes, ilan sa mga ebidensyang hawak niya ay ginamit na rin kaugnay ng  plunder case na isinampa niya laban sa dating pangulo noong 2016, na inimbestigahan naman ng Ombudsman, at naging dahilan naman daw para matanggal sa posisyon si dating Deputy Ombudsman Arthur Carandang nang humingi raw ito ng mga dokumento sa Anti–Money Laundering Council o AMLC.

Dahil hindi na raw incumbent president si Duterte, nagmungkahi si Trillanes na gumawa na ng waiver upang ma-access na ang mga nabanggit na dokumento. 

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagsabi na raw si FPRRD noong una na magbibigay siya ng waiver, subalit puro "bluff" lang daw ito. Kaya mas maganda raw sana na ma-draft na ang waiver antimano sa oras na iyon, upang mapapirmahan na agad sa dating pangulo, para wala na raw alibi. 

Sinabi rin ni Trillanes na ilalatag niya ang mga umano'y ebidensyang hawak niya kaugnay sa mga akusasyong ibinabato niya kay Duterte, kaugnay naman ng illegal drug trade na kinasasangkutan umano ng pamilya niya.

Sa puntong ito ay sumingit na si FPRRD para ipaliwanag ang kaniyang panig subalit sinansala siya ni Surigao Del Norte, 2nd District Rep. Robert Ace Barbers dahil kailangan daw nilang sundin ang procedure, at bibigyan na lamang siya ng kaukulang oras para sumagot sa mga paratang ni Trillanes.

Maya-maya ay nagtanong na si Barbers kung ayos lamang kay Duterte na i-draft na ang waiver sa gabing iyon sa halip na kinabukasan, gaya ng inirekomenda ni Trillanes. 

"Ano kapalit sir, sampalin ko siya sa publiko?" saad ni Duterte habang nakaduro sa direksyon ni Trillanes. "Sampalin ko siya sa publiko..."

Agad namang inawat ang dating pangulo lalo na nang mag-amba na ito ng mikropono. Makikita namang napatingin na rin sa kaniya ang katabing si dating senador Atty. Leila De Lima para pakalmahin siya. Dahil dito ay nagkaroon ng immediate temporary hearing suspension upang pahupain ang tensyon.

Nang naawat na, muling ipinaalala ni Barbers na kailangang sundin ng lahat ang proper decorum habang isinasagawa ang hearing, na nauna na nilang ipinaalala sa lahat bago magsimula ang pagdinig.

Hindi naman nagpang-abot sina Duterte at Trillanes sa nabanggit na tensyon.