November 14, 2024

Home BALITA National

Rep. Abante, naghimutok kay Ex-pres. Duterte tungkol sa naitulong ng Baptist community noong 2016 elections

Rep. Abante, naghimutok kay Ex-pres. Duterte tungkol sa naitulong ng Baptist community noong 2016 elections
Photo Courtesy: Screenshots from House of Representatives (YT)

Naglabas ng saloobin si Rep. Bienvenido M. Abante, Jr. hinggil umano sa naitulong ng Baptist community kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections.

Sa ginanap na pagdinig ng House Quad Committee nitong Miyerkules, Nobyembre 13, inungkat ni Abante ang pambabatikos ng mga supporter ni Duterte sa kaniya.

“Ako po ay bina-bash araw-araw ng mga basher, ng DDS troll, ng DDS vloggers, minumura itong taong ito. Sinisira ang aking reputasyon. [...] Hindi ko akalain kung bakit gagawin nila ‘yan,” saad ni Abante.

“Ilang boto ba ang ibinigay ng mga DDS vloggers sa inyo?” tanong ng kongresista. “Gusto kong sabihin sa inyo, I can testify on this, na libo-libong boto ang nakuha n’yo sa Baptist community. At hindi ako humiling ng anomang pabor sa inyo.”

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Dagdag pa niya, hindi man lang daw umano lumapit sa kaniya si Duterte para magpasalamat sa naitulong ng komunidad.

“Mabuti pa si Senator Bong Go, nagpunta sa aking simbahan at nagpasalamat sapagkat sinuportahan kayo at siya,” wika niya.

Bukod dito, inungkat din ni Abante ang hindi pagpirma ng dating pangulo sa isinulong niyang panukalang batas na magtatakda sa ikalawang Huwebes ng Enero kada taon bilang National Baptist Day.

Aniya, “Sinuportahan po ito ng lahat ng congressman, sinuportahan po ito ng lahat ng mga senador. At nilagay po sa inyong opisina, pinirmahan n’yo ba ang bill na ‘yan? Hindi po. Naging batas ‘yan because it lapse into law after 30 days.”

Gayunman, iginagalang pa rin daw hanggang ngayon si Duterte ng mga kapastoran sa kabila ng pandededma nito sa panukalang batas na ngayon ay isa nang Republic Act 11897.