Usong-uso ngayon ang pangongolekta ng Labubu dolls, mula sa mga sikat na celebrity at karaniwang mamamayan. Sa kabila ng pagiging patok nito ngayon, nababalot din ito ng kontrobersiya dahil umano sa pagiging "demon's pet" nito.
KAUGNAY NA BALITA: Nanay at mga anak niya, nakaranas ng kababalaghan sa Labubu dolls?
KAUGNAY NA BALITA: Kathleen nanindigan sa pananaw sa Labubu craze: 'I don't find it cute!'
Kaya naman, marami sa mga netizen ang tila nakaramdam ng nostalgia sa throwback post ng isang nagngangalang "Anoos Gavia Emily" matapos niyang ibahagi ang "Labubu dolls" daw noong 90s.
"Puro kayo Labubu, mas masaya to " aniya sa kaniyang caption ng kaniyang Facebook post.
"90’s kids can relate #batang90s #paperdolls," dagdag pa niya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Nag gugupit pko nun ng papel para pang dagdag damit galit si nanay ubos Ang papel"
"I wasn't born in 90’s but we already had this and fave koto nung bata pa ako. But in today's generation kids are more into gadgets na. Maka miss yung mga ganto dati."
"Pagandahan at paramihan ng paper dolls at outfit noon."
"True nakakamiss naman..."
"Let's confuse our youth today hahaha."
"Iyan ang koleksyon namin noon, tapos kami na rin gumagawa ng iba hahaha."
PAPER DOLLS, PAANO NAGSIMULA?
Ang paper dolls ay mga laruan na ginupit mula sa papel, kadalasang may mga disenyo ng tao o karakter, at sinasamahan ng iba't ibang kasuotan at accessories na pwede ring gawa sa papel. Ang mga kasuotan ay idinidikit o ipinapatong sa paper doll upang palitan ang hitsura nito, na nagbibigay-daan sa mga bata na maglaro ng pagbibihis sa mga ito.
Noong araw, naging popular ito bilang murang laruan, at ginagamit din sa edukasyon para sa pagtuturo ng kultura, moda, at kasaysayan. May mga koleksyon ng paper dolls na may makasaysayang tema o mga sikat na personalidad.
Unang nauso sa Europa noong ika-18 siglo ang mga laruang paper dolls ngunit naging mas popular ito noong ika-19 siglo. Ang pinakamaagang naitalang paper doll ay ginawa sa Pransya noong mga 1700s bilang bahagi ng moda at kasuotan ng mga tauhan sa teatro.
Noong 1791, isang kompanya sa London na tinatawag na S&J Fuller ang unang naglunsad ng komersyal na paper doll set na may pangalan na Little Fanny, isang laruan na may kasamang mga damit na maaaring palitan.
Noong 1800s, lumaganap ito sa Amerika sa tulong ng mga publikasyon at magasin. Noong 1854, inilabas ng kompanyang McLoughlin Brothers sa Amerika ang isa sa pinakasikat na serye ng paper dolls na nagpatanyag lalo sa laruan, at simula noon ay naging karaniwan itong laruan sa iba't ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas, noon namang 90s.
Naging tanyag ang paper dolls hindi lamang dahil sa pagiging abot-kaya, kundi dahil din sa kakayahan nitong hikayatin ang imahinasyon at malikhaing pag-iisip ng mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo.