Bahagyang nagkainitan sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Gabriela Representative Arlene Brosas sa pagpapatuloy ng Quad Comm hearing nitong Miyerkules, Nobyembre 13, 2024 tungkol sa war on drugs.
Diretsahang tinanong ni Brosas ang dating Pangulo kung tama raw bang tawaging ‘Davao Model o Davao Style?’ ang naturang madugong kampanya kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
“Responsable kayo kasi polisiya niyo ‘yon, kumbaga ‘tatak Duterte,’ dahil polisiya niyo rin ‘yan tama ba? Sa Davao noong nasa Davao pa kayo. Tama ba na tawagin itong Davao Model? Or Davao Style?” ani Brosas.
Bago pa maihayag ni FPRRD ang kaniyang sagot, muling sinegundahan ni Brosas ng tanong ang dating Pangulo.
“Mr. Chair, yes or no? Davao Style?
Dito na nagkaroon nang bahagyang tensyon sa pagdinig ng igiinit ni FPRRD na tila wala raw karapatan si Brosas na tanungin ito ng “yes or no” dahil hindi raw siya imbestigador.
“Do not ask me to answer Yes or No. You are not an investigator!”
Sinubukang dumipensa ni Brosas at muling ipinaliwanag na sila raw ay kasalukuyang nasa pagdinig, ngunit nanindigan si Duterte na hindi niya raw sasagutin ng “yes or no” ang naturang tanong ng mambabatas.
“Yes! But you are not an investigator, why are you asking me to answer yes or no!” galit na tugon ng dating Pangulo.
Samantala, dulot nito, pansamantalang sinuspinde ng ilang minuto ang pagdinig bago pa raw tuluyang magkainitan sina Brosas at Duterte.
Matatandaang sa pagsisimula ng naturang hearing ay maka-ilang beses na inabisuhan ng komite si Duterte na hindi raw nila pinahihintulutan na magmura o magsabi raw ng bulgar na mga salita ang dating Pangulo.
Kate Garcia