November 14, 2024

Home SPORTS

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap
Photo courtesy: Gymnastics Association of the Philippines, Angelica Poquiz Yulo/Facebook

Tila proud na proud na ibinahagi ni Karl Eldrew Yulo, kapatid ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yul, ang pinakamalaki at pinakamagandang bagay na libre raw niyang natanggap.

Sa latest vlog episode ng mamamahayag na si Julius Babao na “Julius Babao UNPLUGGED” nitong Martes, Nobyembre 12, 2024, game na ibinahagi ang ilan sa kuwento ng kaniyang buhay.

Matatandaang kamakailan ay humakot ng parangal ang batang gymnast para sa bansa, matapos niyang makasungkit na apat na gold medals at dalawang silver medals para sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Stars Championships 2024 na isinagawa noong Nobyembre 1-3.

KAUGNAY NA BALITA: Golden Boy rin! Karl Eldrew Yulo, sumungkit ng gintong medalya sa Thailand

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Nang tanungin ni Babao si Karl patungkol sa pinakamahal daw na bagay na kaniyang nabili mula sa mga napanalunang international competitions, pamilya ang isinagot ng gymnast champion.

“Sobrang halaga po ng family ko sa akin. Kasi nandiyan po sila kahit nasa highs, nasa lows po ako, mga ganoon. Sinusuportahan nila ako through emotion, financially, kahit ano pa 'ayn sinusuportahan nila ako,” ani Karl.

Dagdag pa niya alam din daw aniya ng kaniyang pamilya kung ano ang mas makabubuti para sa kaniya. 

"Sinusuportahan nila ako, gusto nila kung ano yung mas nakakabuti sa'kin,” saad ni Karl. 

Samantala, tila ilag namang magkomento si Karl, hinggil sa hidwaan sa pagitan ng kanilang pamilya, partikular na sa kaniyang ina na si Angelica Yulo at Caloy.

Katulad ng kaniyang kapatid, iginiit din ni Karl na pangarap din daw niya na maging gold medalist sa paparating na 2028 Los Angeles Olympics. 

"Gusto kong magkaroon ng pangalan sa gymnastics, or gusto ko na tumatak sa mga bata or mga isipan na may pangalan ako mundo ng gymnastics, na kilalang-kilala ako kahit retired na ako,” dagdag pa ni Karl. 

Sa kasalukuyan, ipagpapatuloy pa rin daw ni Karl ang kaniyang pag-eensayo para sa iba pang international competitions.

Kate Garcia