Muling iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang tindig hinggil sa paglaganap ng droga sa bansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Comm nitong Miyerkules, Nobyembre 13, 2024, nabanggit ni Santa Rosa Lone District Representative Dan Fernandez na marami raw paraan upang masira ang isang bansa, kagaya aniya ng terorismo, droga, korapsyon at marami pang iba. Kaya naman nilinaw ito ng mambabatas sa dating Pangulo.
“Mr. President, your pronouncement of ‘Don't destroy my country because I will kill you.’ Does this pertain to all elements? tanong ni Fernandez.
Tahasan naman itong sinagot ni FPRRD at inihayag ang tila sitwasyon daw ng kabataan.
“Hindi naman. Sir I was really worried, particularly ‘yong droga kasi ang target ‘yong mga bata, hindi tayo. Ang droga nadi-distribute ‘yan diyan sa mga high school, diyan sa mga ano,” saad ng dating Pangulo.
Igiinit pa niyang iniiisip daw niya ang posibilidad na ang susunod na henerasyon aniya ay malulong sa paggamit ng droga, katulad daw ng umano’y mga opisyal sa gobyerno na tinawag niyang “bangag.”
“Eh kung ang next generation ng mga Pilipino puro bangag—maraming nakikita mo dito, mga opisyal natin dito sa gobyerno mga bangag eh. Alam mo na kung sino ang bangag na tinatawag nila,” ani Duterte.
Kate Garcia