December 22, 2024

Home BALITA

FPRRD, handa raw patayin si Michael Yang 'pag napatunayang involved sa drug deal

FPRRD, handa raw patayin si Michael Yang 'pag napatunayang involved sa drug deal
Photo courtesy: Screenshot from House of Representatives, Senate of the Philippines/Facebook

Tahasang iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda raw siyang itumba ang kaniyang dating Economic Adviser na si Michael Yang kapag napatunayan daw na sangkot ito sa drug deals.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Quad Comm hinggil sa war on drugs ni FPRRD, naungkat ang isyung iniuugnay kay Yang na isa ring businessman at hinggil sa pagiging umano’y drug lord nito. Kaya naman may nilinaw si ACT Teachers Rep. France Castro sa estado ng relasyon ni Duterte at Yang.

“Gaano n’yo po kakilala si Mr. Yang o si Michael Yang?” ani Castro.

Bahagya namang inilahad ni FPRRD ang background ni Yang sa Davao.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Michael Yang is an owner of a big department store in Davao City. Ako ang nag-cut ng ribbon sa department store niya. Every businessman, whether ang background niya, kung saan kang galing impyerno, if you want to have a picture with me, I will gladly obliged you. even the criminals,” anang dating Pangulo.

Depensa pa ni Duterte, kung alam daw niyang konektado si Yang sa ilegal na droga, matagal na niya raw itong pinatay noon.

“Michael Yang is out there, he has not been arrested. Wala namang pinapakita sa akin. Kung mayroon edi ako na ang pumatay. Hindi na kailangan na may pulis, ako na mismo ang papatay,” ani Duterte.

Dito na muling nilinaw ni Castro ang naturang pahayag ng dating Pangulo kung nakahanda raw ba siyang patayin mismo si Yang.

“Kung may ebidensya po tayo na involve siya sa ilegal na droga papatayin niyo rin po si Michael Yang?” tanong ni Castro.

Nanindigan naman si Duterte sa kaniyang naunang tugon na papatayin niya si Yang kung sakali raw na mapatunayang drug lord ito, at hinamon pa ang mambabatas na tumistigo sa aniya’y “murder” daw na gagawin niya.

“Oo. Maniwala ka, tatawagan kita, isama, you will witness to a murder,” anang dating Pangulo.

Samantala, muling nagtanong si Castro kung hindi raw ba alam ni FPRRD na sangkot daw si Yang sa drug deals.

“Iyon pong malalaking drug lords katulad ni Michael Yang, pero hindi niyo po alam na involved sa droga si Michael Yang. Mr. Duterte, Mr Chair.”

Muling nanindigan si Duterte na wala raw koneksyon o kaugnayan ang dating Economic Adviser sa anumang operasyon ng ilegal na droga.

“Mas marunong ako sa iyo ma'am, hindi talaga involved ‘yan.”

Matatandaang kamakailan lang ay pumutok ang isyu hinggil sa ilegal na droga raw na kinasasangkutan ni Yang, maging ang kaniyang kapatid na si Tony Yang, na may kinalaman umano sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kate Garcia