Tila pinagmamadali ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga kaugnay sa nangyaring giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Sa ginanap na pagdinig ng House Quad Committee nitong Miyerkules, Nobyembre 13, inusisa ni Gabriela Representative Arlene Brosas kung payag daw bang makipagtulungan si Duterte sa imbestigasyon ng ICC sa bansa.
“I’m asking the ICC to hurry up. And if possible they can come here and start the investigation tomorrow. [...] Baka mamatay na ako hindi nila ako maimbestiga,” saad ni Duterte.
Giit pa niya: “So, I’m asking the ICC through you [Brosas] na magpunta na sila rito bukas. Umpisahan na nila ang investigation. And if I found guilty, I will go to prison.”
Ngunit matatandaang sa isang panayam, sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na kukuwestiyonin umano niya si Senate President Chiz Escudero kung makikipag-ugnayan ang huli sa ICC hinggil sa imbestigasyon nito sa war on drugs sa bansa.
Si Dela Rosa ang dating Philippine National Police (PNP) Chief nang ipatupad ng administrasyon Duterte ang war on drugs o kilala rin bilang “Oplan Tokhang.”
MAKI-BALITA: Dela Rosa kapag ibinigay ni Escudero ang transcript sa ICC: ‘I will try to question him'