Itinuturing umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “unnecessary death” ang mga inosenteng nadamay sa kaniyang giyera kontra droga sa halip na “collateral damage.”
Sa ginanap na pagdinig ng House Quad Committee nitong Miyerkules, Nobyembre 13, tinanong ni Rep. Dan Fernandez kung maikokonsidera bang pagkabigo ni Duterte ang pagkakaroon ng collateral damage sa implementasyon ng kaniyang programa.
“I would say that it was maybe unnecessary death,” saad ni Duterte. “But a collateral damage is recognized, you know, hindi naman sinasadya, e.”
Kaya naman, hindi naiwasang banggitin ng dating pangulo ang tungkol sa umano’y dalawang Intsik na pinatay niya sa isang drug den sa lungsod ng Davao.
“Apat na Chinese, pinatay ko talaga. Ang problema, may tinamaang dalawang nagluluto. Pero ‘yong apat na Intsik, talagang pinatay ko. Sinadya ko talagang patayin,” aniya.
Ayon pa kay Duterte, pinatay niya umano ang mga ito nang lumalaban.
“Kasi kapag raid, agawan ng kung anong mapupulot nila,” sabi ng dating pangulo.
Matatandaang sa ginanap na pagdinig sa senado noong Oktubre hinggil sa giyera kontra droga ay binanggit ni Duterte na iniuutos umano niya sa kapulisan na himukin ang mga kriminal na lumaban at humawak ng baril.