Tahasang pinabulaanan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist first nominee Atty. Leila De Lima ang paratang sa kaniya bilang umano’y “mother of all drug lords” sa ginanap na pagdinig ng House Quad Committee, Miyerkules, Nobyembre 13.
Sa nasabing pagdinig, binalikan ni Rep. Dan S. Fernandez ang pronouncement sa isang pahayagan noong Oktubre 2016 na nagsasabing si De Lima umano ang ina ng mga drug lords.
“Absolutely false,” giit ni De Lima. “That is a fictitious, bogus allegation against me. And then they filed cases against me.”
“Kinasuhan po ako nila ng mga kaso tungkol sa droga. Initially, consummated illegal drug trading. In-ammend nila into conspiracy to commit illegal trading,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Tatlo pong kaso ‘yong sinampa sa akin. Absuwelto na po ako do’n sa tatlo. Dahil wala po akong kinalaman sa illegal drugs. Kasama lang ho ‘yan sa naging propaganda nila.”
Matatandaang isa si De Lima sa mga hayagang kritiko ng administrasyong Duterte. Matapos ang mahigit anim na taong pagkakakulong dahil sa tatlong drug-related charges, ibinasura ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) ang ikatlo at huling kaso ng dating senadora noong Hunyo 2024.
MAKI-BALITA: Leila de Lima, pinawalang-sala sa huling drug case