November 14, 2024

Home BALITA National

Nika, palabas na ng PAR; Ofel, mas lumakas pa habang nasa PH Sea

Nika, palabas na ng PAR; Ofel, mas lumakas pa habang nasa PH Sea
Courtesy: PAGASA/FB

Malapit nang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Nika habang binabaybay naman ng mas lumakas na bagyong Ofel ang Philippine Sea, ayon sa 11 AM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Martes, Nobyembre 12.

Base sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang Severe Tropical Storm Nika 225 kilometro ang layo sa kanluran hilagang-kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte o 315 kilometro ang layo sa kanluran ng Calayan, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.

Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 10 kilometers per hour.

National

Ex-pres. Duterte, hindi kilala si Atty. De Lima?

Dahil dito, nakataas pa rin sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar sa Luzon:

- Northern portion ng Ilocos Norte (Sarrat, Piddig, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Bacarra, Adams, Pasuquin, Carasi, San Nicolas, Dumalneg, Laoag City)

- Northern portion ng Apayao (Luna, Calanasan)

- Northwestern portion ng Cagayan (Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Claveria)

- Northwestern portion ng Babuyan Islands (Calayan Is., Dalupiri Is., Fuga Is.)

Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyong Nika mamayang tanghali.

Samantala, huling namataan ang Tropical Storm Ofel 950 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 105 kilometers per hour.

Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 35 kilometers per hour.

Base sa forecast track ng PAGASA, maaaaring mag-landfall ang bagyong Ofel sa Northern o Central Luzon pagsapit ng Huwebes ng tanghali o gabi, Nobyembre 14.

Inaasahang lalakas pa ang bagyo sa susunod na tatlong araw at posibleng itaas sa “typhoon” category bukas, Miyerkules, ng gabi, Nobyembre 13, o sa Huwebes ng madaling araw.