January 23, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!
Photo courtesy: Roman Myla Ajeda/Facebook

Kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral, nagsikap ang mag-asawang mula sa Catanauan, Quezon na maitaguyod at mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang siyam na supling.

Araw-araw, kinakaharap ng mag-asawang Roman at Rebecca Ajeda ang hamon ng kakulangan sa pera, ngunit sa halip na sumuko, nagsilbing inspirasyon ang kanilang pangarap para sa mga anak.

Ayon sa ulat "KBYN Special" ng TV Patrol, special report ni Kabayan Noli De Castro, nitong Lunes, Nobyembre 11, pagpasok pa lamang sa bahay ng pamilya Ajeda ay bubungad ang mga medalya, sertipiko ng pagkilala at larawan ng pagtatapos sa pag-aaral na nakapalamuti sa kabuuan ng sala, ng kanilang mga anak.

Maituturing na testamento ng pagsisikap, sakripisyo, at pagmamahal sa kanilang siyam na anak ang lahat ng mga parangal na matatagpuan sa kanilang tahanan.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Aminado raw ang mag-asawa na mahirap ang buhay nila noon, na kinakailangan pang makisaka dahil wala silang sariling lupa.

High school ang natapos ni Roman habang elementarya naman si Rebecca, kaya naman minabuti nilang pagsumikapang mapagtapos ang kanilang mga anak sa kadahilanang ayaw nilang matulad sila sa kanilang dalawa.

Nakatulong din ang mga scholarship upang makapagtapos ng pag-aaral ang siyam na anak nila. Laking pasasalamat din nila dahil hindi sila binigo ng kanilang mga anak.

Ang panganay na anak nilang si Roman Cabral Ajeda Jr. ay naging miyembro pa ng Marines and Philippine Coast Guard at may sariling flower shop sa kanilang bayan. Ang pangalawa, pangatlo at panlima sa magkakapatid na sina Ronaldo, Leonito at Dennis ay bahagi rin ng Philippine Coast Guard. Nakapagtapos naman ng kursong Business Administration ang pang-apat na si Mildred. May kaniya-kaniyang negosyo naman ang pang-anim, pampito at pangwalo sa magkakapatid na sina Mary Joy, Judy Ann at Jonalyn. Ang bunsong si Denver ay bagong graduate naman ng kursong Mechanical Technology.

Malaki raw ang pagmamahal ng siyam na magkakapatid sa kanilang mga magulang. Nag-uumapaw raw sa pagpapasalamat ang kanilang kalooban dahil sa pagsusumikap ng kanilang mga magulang upang maitaguyod silang lahat kahit na hirap sila sa buhay.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, inilahad ng anak ni Roman at Rebecca Ajeda na si Roman Ajeda Jr. ang kanilang dahilan kung bakit silang magkakapatid ay nagsumikap na makapagtapos at magkaroon ng magandang hanapbuhay ngayon.

Ayon kay Roman Jr., ang pinakamatinding sakripisyo ng kanilang mga magulang ay ang pisikal na paghihirap na dulot ng pagsasaka, pagniniyog, at pagsasaging.

“Kasi sa sobrang hirap ng buhay namin back then, wala kaming sariling source of income... porsyento lang ang kinikita ng parents namin during harvesting period,” aniya.

Ang maliit na kita mula sa pagsasaka ay kadalasang hindi sapat para sa pangangailangan ng isang malaking pamilya, kaya’t napipilitan silang mangutang para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Bukod sa pisikal na pagod, ang mga Ajeda ay naharap din sa social hardships. May mga pagkakataong kailangan nilang humiram ng bigas o pera mula sa mga kamag-anak upang makatawid sa buwan.

“Marami kaming pagkakataon na nangungutang... at it takes a month or longer bago kami makabayad,” dagdag pa niya.

Ang kawalan ng sapat na kita ay naging hadlang din sa kanilang edukasyon. Karamihan sa kanila ay hindi nakapagtapos ng degree course at kinailangang dumepende sa scholarship para makakuha ng two-year tertiary course.

Gayunpaman, hindi naging hadlang ang kakulangan sa edukasyon upang ipasa ng mga magulang ang mahalagang mga aral sa kanilang mga anak.

“Lagi nilang sinasabi, mag-aral kayo kasi yan lang ang maiipamana namin sa inyo... kami di kami nakapag-aral kaya ang trabaho namin magsaka,” paliwanag ni Roman Jr.

Sa murang edad, natuto na silang tumulong sa bukid at sa mga gawaing-bahay. Ang disiplina at pagsisikap ay naitanim sa kanilang pagkatao, na pinatibay pa ng mahigpit na paraan ng pagpapalaki.

“Additionally, nung araw pag may mali ka, mapapalo ka talaga... na-engrain sa amin yung disiplina at responsibilidad,” aniya.

Sa kabila ng lahat ng pagsubok, nanatiling matatag ang kanilang pamilya dahil sa kanilang pagtutulungan at pagpupursige.

“Kahit mahirap ang paglalakbay, makakarating ka pa rin sa paroroonan mo kung patuloy kang hahakbang kahit mabagal, basta tuloy-tuloy,” paliwanag niya.

Pagdating sa kanilang mga tagumpay, sapat na para sa kanila ang marinig ang papuri ng kanilang mga magulang.

“Yung pagappreciate nila sa mga accomplishments namin... talagang heartwarming kasi we can feel their joy and see it through their eyes,” sabi pa niya.

Ngayon, bilang mga magulang na rin ang ilan sa mga anak nina Roman at Rebecca, dala pa rin nila ang mga aral na kanilang natutuhan. Ang pagtuturo ng disiplina, pagsusumikap, at tamang pakikitungo sa kapwa ang kanilang nais ipasa sa susunod na henerasyon.

Nagbigay din ng huling mensahe para sa kanilang mga magulang si Roman Jr.

“Tay, Nay, salamat sa lahat ng pagsisikap nyo para sa amin... keep yourself healthy because we wanted you to be with us for next several decades or more.” saad niya.

Mariah Ang