Tuloy ang pagbebenta ng Kapuso comedienne at “TiktoClock” host na si Pokwang ng kaniyang mga produkto sa kabila ng nangyari sa kaniyang mobile wallet app.
Sa latest Instagram post ni Pokwang nitong Linggo, Nobyembre 10, pinaalalahanan niya ang kaniyang mga buyer kung saan makakabili ng “Mamang Pokwang’s Gourmet.”
“Para sa order nyo po sa FB PAGE lang po ng Mamang Pokwang’s Gourmet mag PM po kayo at sa IG,” saad niya.
Dagdag pa ng komedyana, huwag raw sa personal account niya mapagdala ng mensahe dahil hindi niya mababasa at mare-reply-an.
Matatandaang kamakailan lang ay tila hindi makapaniwala si Pokwang na nasimot ang pera niyang nakalagay mobile wallet app.
Himutok niya, “Naghahanap buhay po ako ng marangal nagbibigay po ako ng hanap buhay sa mga single mom, tapos isang umaga pagka gising mo simot ang laman ng GCASH accnt???”
“Iba’t ibang number na hindi naka rehistro halos nasa 30 numero na hindi naka rehistro!!! Ano nangyare sa registered sim policy ngayon?” aniya.
Dagdag pa ni Pokwang: “Nakakaiyak binangon ko mag isa ang negosyong pinabayaan ng taong inasahan ko pinag katiwalaan ko pati ba naman dito naisahan parin ako? Nakakaiyak talaga.”
Gayunman, ayon sa inilabas na pahayag ng GCash nitong Linggo, nakipag-unayan na raw sila sa mga naapektuhang account.
Sa katunayan, base sa ulat ng ABS-CBN News, naibalik na raw sa ilang GCash users ang perang biglang nawala sa kanilang account.