Nag-alok ang mga tagapangulo ng House quad-committee (quad-comm) na sagutin ang travel at accommodation expenses ni dating Pangulong Rodrigo Duterte basa’t dumalo umano ito sa kanilang pagdinig hinggil sa madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
Sinabi ito ni quad-comm overall chairman at Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers sa sa isang pahayag nitong Linggo, Nobyembre 10, na inulat ng Manila Bulletin.
“If finances are truly an issue, we’re ready to cover his travel and accommodations ourselves. This is about the people’s right to know the truth about alleged abuses in his administration’s anti-drug operations,” ani Barbers.
Ayon kay Barbers, kasama sa mga sasagot sa magiging gastos ni Duterte sa Kamara ay ang quad-comm co-chairmen na sina Santa Rosa City lone district Rep. Dan Fernandez, Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante Jr., at Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen "Caraps" Paduano, chairman Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop, at sina Senior Deputy Speaker Pampanga 3rd district Rep. Aurelio "Dong" Gonzales Jr., at Deputy Speaker Quezon 2nd district Rep. Danilo "Jay-jay" Suarez.
Matatandaang hindi dumalo ang dating pangulo sa dalawang naunang pagdinig ng quad comm noong Oktubre 22 at Nobyembre 7 sa kabila ng ipinadalang imbitasyon sa kaniya.
Samantala, dumalo naman si Duterte sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28 hinggil sa parallel investigation nito sa war on drugs.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, ‘di hihingi ng tawad hinggil sa drug war: ‘I did it for my country!’
KAUGNAY NA BALITA: Utos ni Ex-Pres. Duterte sa mga pulis: 'Barilin mo sa ulo...'
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, iginiit na ‘wag panagutin mga pulis sa drug war: ‘I take full responsibility’
Noong Hunyo ng taong ito nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno