December 23, 2024

Home FEATURES Tourism

Pasig River Esplanade, worth it nga bang puntahan?

Pasig River Esplanade, worth it nga bang puntahan?

Nagkalat sa iba’t ibang social media platforms ang mga content tungkol sa mas pinagandang Pasig River Esplanade Manila na matatagpuan sa pagitan ng Jones Bridge at Intramuros-Binondo Bridge.

City lights, food trip at Instagrammable spots daw ang karaniwang dinarayo at binabalik-balikan dito. Kaya naman para masubukan ang “expectation vs reality,” pinuntahan mismo ng Balita Team ang Pasig River Esplanade. 

Mula sa Lawton o Liwasang Bonifacio, walking distance lang ang naturang esplanade na nasa likod lang ng lumang Manila Central Post Office. Maaari ding sumakay ng jeep na may signboard na “Pier 15” na dumadaan din sa harapan ng esplanade.

Tanaw ang overlooking sunset dito, ngunit maaari pa ring ma-enjoy ang vibes ng esplanade sa gabi. Balot ng ilaw ang buong lugar na pinaganda pa ng city lights at pamosong Intramuros-Binondo bridge. May mga lighting fountains din sa paligid na dagdag atraksyon. 

Tourism

ALAMIN: Mga puwedeng pasyalan sa Metro Manila sa Pasko at Bagong Taon

Photo courtesy: Balita Team/File Photo

Hindi rin problema ang food trip dito, dahil kahit sa itaas at ibabang bahagi ng tulay, ay hindi ka mauubusan ng pagpipilian! May rice at complete meals, coffee, milktea, merienda at marami pang iba na budget friendly pa rin.

May mga chairs at tables na rin sa bawat food stalls kaya hindi problema ang puwesto. Maaari ding tambayan at kumain sa bawat hagdanan na tanaw ang reflection ng city lights sa mismong Pasig river.

Kung gusto mo naman ng mapaglilibangan, may ilang game booth din dito at karaoke spot na tiyak namang mag-eenjoy hindi lang ang mga bata kundi maging ang mga “young at hearts!” Maraming souvenirs na maaaring mabili dito. 

May security din sa paligid kaya naman ligtas ang pamamasyal ng sinuman.

Nakapanayam ng Balita Team ang ilang dumayo pa sa Pasig River Esplanade upang doon nga raw mag-chill at magbonding.

“First time namin dito, so far maganda naman siya. Sulit ‘yung city lights at maganda ang vibes,” saad ng couple na si “PJ at Tine,” na galing pa sa Laguna.

Wala ring problema para sa mga “solo-flight” na gusto lang din maglibot-libot, tulad ng isang cyclist na mula pa sa Las Piñas. 

“Ayos dito, maraming pwedeng gawin. Pwedeng tumambay, pwedeng mag-food trip. Babalikan ko ‘to kasi natatakam ako sa mga pagkain na nandito, andaming puwede,” ani “Reynald.”

May ilang magbabarkada rin na paulit-ulit din daw na binabalikan ang lugar para makapag-bonding. 

“Very convenient kasi nitong place at maraming pwedeng mapaglibangan at hindi magastos,” saad ng magbabarkada nina “Joshua at Jay Ann” na mula naman sa Tondo.

Kahit saan man lumingon, marami ring mascots na maaaring makasalubong at tiyak ding katutuwaan ng mga chikiting. Halos 24 oras bukas/availabale ang Pasig Esplanade, ngunit sa tuwing hapon hanggang gabi ito dinadagsa ng mga tao para nga naman sa sunset at oras na tugma sa pagpapahinga ng mga estudyante at empleyado. 

Tama na ang kaka-browse sa TikTok at FB Reels, this is your sign dayuhin ang Pasig River Esplanade and experience the other beauty of Manila!

Kate Garcia