Inanunsyo ng dating senador at Mamamayang Liberal (ML) party-list nominee Leila De Lima na mapapanood na sa Nobyembre 12 ang isang dokumentaryo patungkol sa kaniyang buhay.
"This is my story," panimula ni De Lima sa kaniyang social media post.
"Marami akong pinagdaanan— nilalait, siniraan sa publiko, ginawan ng mga kaso, at kinulong pa nga ng halos 7 taon, pero nananatili akong buo, UNBREAKABLE."
"Ngayon ako naman ang magkwekwento ng storya ko, ng nararamdaman ko."
"Nais ko sanang humingi ng suporta sa inyo para malaman ng lahat na di lang ako inosente, ako din ay UNBREAKABLE," ani De Lima.
Dagdag pa niya, "Samahan niyo po ako sa isang espesyal na benefit dinner, at sabayan niyo akong saksihan ang premiere ng aking dokumentaryong Unbreakable: The Leila de Lima Story."
Gaganapin ito bandang 5:30 ng hapon sa nabanggit na petsa sa Quezon City, na sasabihin lamang ang eksaktong lugar kung kumpirmadong pupunta. Bukod sa panonood ng dokumentaryo, ito raw ay isang benefit dinner.