Mula Setyembre 2023, naitala ngayong ikatlong quarter ng 2024 ang pinakamataas na bilang ng mga pamilyang Pilipinong nabiktima ng mga karaniwang krimen sa loob ng nakalipas na anim na buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Sabado, Nobyembre 9.
Sa tala ng SWS, 6.1% ng mga pamilyang Pilipino ang nag-report na nabiktima sila ng kahit anong “common crimes,” tulad ng pandurukot o pagnanakaw ng personal na mga ari-arian, panloloob, carnapping, at pisikal na pang-aabuso, sa loob ng nakalipas na anim na buwan.
Mas mataas nang 2.3 puntos ang naturang datos kumpara sa 3.8% na naitala noong Hunyo 2024 at pinakamataas mula sa 8.1% noong Setyembre 2023.
Samantala, lumabas din daw sa survey na tumaas ang bilang ng mga pamilyang nabiktima ng cybercrimes, mula 3.7% noong Hunyo patungo sa bagong record-high na 7.2% nitong Setyembre.
Natuklasan din sa survey noong Setyembre 2024 na 56% ng mga Pinoy ang natatakot sa pagnanakaw, halos hindi nagbabago mula sa 55% noong Hunyo 2024.
Bukod dito, napag-alaman din daw na 48% ang mga natatakot sa paglalakad sa mga lansangan sa gabi, halos hindi rin nagbago mula sa 50% na datos noong Hunyo 2024.
Sa kabilang banda, 41% ang nakapansin na maraming drug addicts sa kapitbahayan, 5 puntos na bumaba mula sa 46% noong Hunyo 2024, ayon sa SWS.
Isinagawa raw ang survey mula Setyembre 14 hanggang 23, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondents na may edad 18 pataas.