“Maghanapbuhay ka, negosyo, basta mabuhay ka lang mapayapa…”
Pinaaalis na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte sa politika dahil mas mabuti umanong mabuhay na lang ito nang mapayapa.
Sa isang press conference na inilabas ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Biyernes, Nobyembre 8, nagbigay ng mensahe si Ex-Pres. Duterte kay VP Sara at sinabing magpasalamat na lamang daw ito dahil naging pangulo siya ng bansa at ito naman ay naging bise presidente.
“Pasalamat ka na lang sa Diyos na ang tatay mo naging Presidente, ikaw naging Vice President. Bihirang-bihira ‘yan, bihira sa isang pamilya. Hindi lahat ng pamilya sa Pilipinas ganiyan. Pasalamat na lang tayo,” anang dating pangulo.
“Now, as fast as you can, get out of politics. Maghanapbuhay ka, negosyo, basta mabuhay ka lang mapayapa. Umalis ka na diyan. Huwag ka na mag-ambisyon, tutal vice president ka na,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang nahaharap sa kontrobersiya si VP Sara sa gitna ng pag-imbestiga ng House Committee on Good Government and Public Accountability confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at maging ng Department of Education (DepEd) noong siya pa lamang ang kalihim ng ahensya.
MAKI-BALITA: Confidential fund misuse sa ilalim ni VP Sara, posibleng umabot sa ₱612.5M – House panel
Itinanggi naman kamakailan ng bise presidente na nagkaroon siya ng maling paggamit sa pondo at iginiit na ang nasabing imbestigasyon ng Kamara ay isa lamang umanong “pamomolitika.”