Itinaas na sa Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Catanduanes dahil sa Tropical Depression Nika, ayon sa 11 AM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Nobyembre 9.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Nika 1,145 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 30 kilometers per hour.
Base sa forecast track ng PAGASA, kikilos ang bagyong Nika pa-northwest sa buong forecast period at posible itong mag-landfall sa Isabela o Aurora sa Lunes, Nobyembre 11.
Inaasahang unti-unti pang lalakas ang bagyo at aabot sa “severe tropical storm” category pagsapit ng Lunes ng umaga bago ang pag-landfall nito. Posible naman itong humina dahil sa interaksyon nito sa kalupaan ng mainland Luzon, bagama’t mananatili ang bagyo sa “severe tropical storm” category.