Isang batas ang muling inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos nitong Huwebes, Nobyembre 7, 2024, na naglalayong itugma ang kasanayan ng mga mag-aaral sa bansa batay sa kanilang tinapos o pinag-aralan.
Ang nasabing batas ay tinawag na Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act, na pormal na pinirmahan ng Pangulo sa Malacañang.
Sa kaniyang talumpati, inihayag niya ang kahalagahan na maihanda raw ang bawat estudyante/trainee sa kanilang industriyang papasukin bago pa sila makapagtapos ng pag-aaral.
“Because if we are successful in doing this, before a student or a trainee is finished with their training, there already is an available space in the labor market waiting for them, specifically defined by industry and saying what we need are workers with these specific skills,” anang Pangulo.
Dagdag pa ni Marcos, umaasa raw sila na matugunan din ng EBET Law ang kakulangan sa formal training sa mga Pilipino, lalo na sa technical-vocational industry.
“By establishing a framework on career advancement and industry-relevant skills, this law directly addresses the issues on the lack of formal training and skill mismatches, ensuring that every Filipino can contribute and benefit from our nation’s growth.” ani Marcos.
Sa Press release na inilabas ng Senado nito ring Huwebes, kasama rin sa EBET programs ang mga empleyadong magnanais daw na mag-upskill pa, kung saan maaari silang makatanggap ng transportation at meal allowance, depende sa mapagkakasunduan ng kanilang employer.
Ang mga matagumpay na trainee ay maaaring makakuha ng National Certification o Certificate of Competency.
Binanggit din ng Pangulo na ito na raw ang tutugon sa mas may kalidad na employment skills na maaaring makipagsabayan sa iba’t ibang bansa.
“By opening pathways to professional growth, employment opportunities, and entrepreneurship, we are answering the call for quality employment and fostering a globally competitive workforce,” saad ni Marcos.
Kate Garcia