Natanong ni showbiz insider-game show host Ogie Diaz ang kaibigan at dati niyang alagang si Unkabogable Star Vice Ganda kung bakit umatras sa pagtakbo bilang konsehal sa Concepcion, Tarlac.
Sa video statement na ibinahagi ni Ion nitong Lunes, Nobyembre 5, ipinaliwanag niya ang dahilan sa likod ng nasabing desisyon.
“Sa mga kalugar ko diyan sa Concepcion, una po maraming salamat sa tiwala at suporta n'yo na ibinigay sa akin,” panimula ni Ion.
“Ipinapaalam ko lang po na hindi na po ako tatakbo or tutuloy bilang konsehal ng Concepcion, dahil gusto ko po munang ihanda ang sarili ko para hindi mapahiya sa inyo at mapaglingkuran kayo nang tama,” wika niya.
Pahabol pa ng host: “Muli po, maraming-maraming salamat po sa inyong tiwala. Paumanhin po."
Matatandaang bago pa man ito ay tila natunugan na ni showbiz insider Ogie Diaz ang pag-atras ni Ion sa pagtakbong konsehal matapos nitong maghain ng certificate of candidacy noong Oktubre 1.
Sa latest episode naman ng "Ogie Diaz Showbiz Update" ay nagbigay ng pahayag si Vice Ganda sa kung ano ang nagtulak kay Ion para bawiin ang kandidatura.
"Honestly Vice, meron ka bang kinalaman o napa-realize mo ba kay Ion 'yong pagba-back out niya...?" tanong ni Ogie.
"Ay hindi gano'n ang dynamics namin ni Ion, parang, kaming dalawa we don't decide for each other, hindi ako sasabihan ni Ion na dapat ganito 'yong gawin ko. Ako rin sa kaniya, hindi ko sasabihing dapat ganito 'yong gawin mo, hinahayaan namin 'yong isa't isa na pumruseso ng mga bagay pero nakaalalay kami," paliwanag ni Vice Ganda.
"Puwede kaming magbigay ng suhestyon, ng opinyon, lalo na 'pag pinag-uusapan namin, nagpapalitang-kuro kami, pero we will not decide for each other... hindi kami gano'n, so 'yong mga desisyon niya sa buhay, desisyon niya 'yon, at pinagkakatiwalaan ko siya," dagdag pa ni Vice Ganda.
Nang tanungin ni Ogie kung kay Ion ba mismo ang desisyong huwag na munang sumabak sa politika, "Yeah, yeah, parang... alam mo pareho kaming... si Ion kasi nasa politics ever since, kasi youth leader siya sa Tarlac noon pa. Youth leader siya. Saka ever since, bago pa kami magkakilala hanggang sa nagkakilala na kami, active siya sa ano eh, sa public service sa Tarlac. Kaya siya laging nasa Tarlac. Ang daming ganap."
"No'ng sinabi niyang tatakbo siya, may mga kumakausap sa kaniya, hindi na ako magtataka kung sabihin niyang tatakbo siya kasi nandodoon siya eh, noon pa eh, active talaga siya. Pero kung sasabihin niyang hindi rin siya tutuloy, hindi rin ako magtataka," anang misis ni Ion.
"Kasi 'yon din siya eh. Kilala ko pagkatao niya na mabuti kasi ang puso ng asawa ko. Hindi siya mag-aaksaya ng pagmamahal at tiwala at suporta sa kaniya ng mga tao. Iyon 'yong sinabi niya sa akin, sabi niya 'Hindi na 'ko tutuloy. Sabi ko, 'Bakit?' Sabi niya, 'Kung tutuloy man ako, kailangan ko talaga siyang paghandaan, pagplanuhan, lahat' sabi niya."
"So ngayon, ayokong ipahiya 'yong pagtitiwala sa akin... kasi baka manalo siya eh, sabi niya 'Ayokong ipahiya.' Sabi niya 'I will make sure that they will be proud...'" bahagi pa ng pahayag ni Vice Ganda.
MAKI-BALITA: Ion Perez, kinumpirmang 'di na kakandidato sa pagkakonsehal