January 22, 2025

Home BALITA

Sen. Tulfo, kinumpirmang kaanak ng senador sakay ng SUV na may plakang no.7

Sen. Tulfo, kinumpirmang kaanak ng senador sakay ng SUV na may plakang no.7
Photo courtesy: Raffy Tulfo, SAICT/Facebook

Kinumpirma ni Senate Committee on Public Services Chairperson Raffy Tulfo na wala sa 24 mga senador ang nakasakay sa kontrobersyal na sasakyang may plakang no.7 na ilegal na dumaan sa EDSA busway noong Nobyembre 3, 2024. 

Bagama’t wala sa naturang mga senador ang sakay nito, iginiit naman ni Tulfo, na kamag-anak daw ng isa sa mga senador ang sakay ng nasabing sasakyan.

Matatandaang noong Nobyembre 6, 2024 nang iharap ng Land Transportation Office (LTO) sa media ang driver ng naturang sasakyan na kinilalang si Angelito Edpan. Kaugnay nito, nilinaw din niya na ang kaniyang sasakyang minamaneho ay pagmamay-ari ng Orient Pacific Corp., at peke umano ang plate no.7 nakakabit dito. 

KAUGNAY NA BALITA: LTO, tukoy na may-ari ng SUV na ilegal na pumasok sa EDSA busway

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Sa kabila ng pagladlad sa publiko, tumangging pangalanan ni Edpan at ng abogado ng Orient Pacific Corp., ang sakay ng naturang sasakyan, at iginiit na guest at investor daw ang mga ito. 

Samantala, sa press briefing na isinagawa ni Tulfo noong Nobyembre 6, 2024, tahasan niyang sinabing ang naturang guest at pasaherong tinutukoy umano nina Edpan ay kamag-anak ng isang senador. 

“Related ito sa isang senador pero hindi 'yong senador 'yong sakay ng SUV na 'yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” ani Tulfo. 

Naging matipid ang tugon ni Tulfo nang tanungin siya ng media kung tukoy na niya raw ang pangalan ng naturang VIP na sakay ng nasabing sasakyan.

“Yes,” tugon ni Tulfo.

Ilang miyembro naman ng press ang nagbanggit ng pangalan nina “William” at “Kenneth Gatchalian” na sinabing konektado sa Orient Pacific Corp.,

“Ang may-ari ng sasakyan ay ‘yong Orient Pacific Corp., na kung saan ay board members nga yung binanggit mong mga pangalan,” ani Tulfo.

Nang muling linawin ng media kung isa nga sa mga nabanggit na pangalan ang sakay ng naturang sasakyan, isang matipid na sagot ang muling itinugon ni Tulfo.

"Base sa intel ko, mukhang tumutugma.”

Si William Gatchalian ang umano’y ama ni Sen. Sherwin Gatchalian, habang si Kenneth Gatchalian naman ay kapatid nito at Presidente ng Orient Pacific Corp.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Sen. Gatchalian bagama’t nauna na niyang itanggi noon na wala raw siyang pagmamay-aring puting sasakyan na katulad ng dumaan sa EDSA sa busway. 

Kate Garcia