November 07, 2024

Home BALITA National

Gatchalian sa SUV na may plakang no.7 na nali-link sa pamilya niya: 'Iwan na lang natin sa LTO'

Gatchalian sa SUV na may plakang no.7 na nali-link sa pamilya niya: 'Iwan na lang natin sa LTO'
Photo courtesy: Senate of the Philippine, SAICT/Facebook

Hindi nagbigay ng iba pang detalye si Senador Win Gatchalian tungkol sa SUV na may plakang no.7 na iniuugnay sa kaniyang pamilya.

Nitong Miyerkules, Nobyembre 6, nang iharap ng Land Transportation Office (LTO) sa media ang driver ng naturang sasakyan na kinilalang si Angelito Edpan.

Ayon kay LTO chief Asec. Vigor Mendoza II, nakarehistro sa isang kompanyang Orient Pacific Corporation ang naturang SUV.

KAUGNAY NA BALITA: LTO, tukoy na may-ari ng SUV na ilegal na pumasok sa EDSA busway

National

Marce, nag-landfall na sa Sta. Ana, Cagayan!

Matapos nito ay kinumpirma ni Senador Raffy Tulfo na kaanak umano ng isang 'di pinangalanang senador ang sakay ng naturang SUV na dumaan sa EDSA busway sa Guadalupe kamakailan. 

“Related ito sa isang senador pero hindi 'yong senador 'yong sakay ng SUV na 'yan at the time. Kamag-anak ng isang senador,” ani Tulfo. 

Naging matipid ang tugon ni Tulfo nang tanungin siya ng media kung tukoy na niya raw ang pangalan ng naturang VIP na sakay ng nasabing sasakyan.

“Yes,” tugon ni Tulfo.

Ilang miyembro naman ng press ang nagbanggit ng pangalan nina “William” at “Kenneth Gatchalian” na sinabing konektado umano sa Orient Pacific Corp..

Si William Gatchalian ang umano’y ama ni Sen. Sherwin Gatchalian, habang si Kenneth Gatchalian naman ay kapatid nito at Presidente ng Orient Pacific Corp.

BASAHIN: Sen. Tulfo, kinumpirmang kaanak ng senador sakay ng SUV na may plakang no.7

Samantala, sa isang ambush interview nitong Huwebes, Nobyembre 7, hindi nagbigay ng iba pang detalye si Gatchalian tungkol sa SUV na nali-link sa kaniyang pamilya.

Itinanong ng mamamahayag kay Gatchalian kung kapatid niya pa ang may-ari ng naturang sasakyan. Gayunman, hindi niya ito kinumpirma o pinabulaanan.

"Nandoon na sa LTO 'yong mga documents. So, iwan na lang natin sa LTO," maikling sabi ni Gatchalian. "Sa pagkakaalam ko kahapon sa news, nag-iinvestigate na rin sila. So, I think iwan na lang natin doon."