Humirit si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makakabisita na raw siya muli sa United States matapos manalo sa eleksyon ang tinawag niyang “kumpadre” na si US President-elect Donald Trump.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, Nobyembre 6, nagbahagi si Dela Rosa na isang larawan kasama si Trump sa gitna ng pag-ungos nito sa botohan kontra kay incumbent Vice President Kamala Harris.
“My kumpadre is winning the polls. I think I can visit the US of A again. Let’s go Republicans!” ani Dela Rosa sa kaniyang post.
Matatandaang taong 2022 nang kumpirmahin ni Dela Rosa na nakansela ang kaniyang US visa dahil umano sa kaniyang papel bilang unang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si incumbent US President Joe Biden ang pangulo ng bansa noong 2022, at maging ang kapartido ng nakalaban ni Trump ngayong eleksyon na si Harris.