Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos nitong Miyerkules, Nobyembre 6, 2024, ang pamamahagi ng tulong sa para sa mga nasalanta ng dalawang magkasunod na bagyong Kristine at Leon sa Camarines Sur.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, tinatayang nasa ₱100M ang kabuuang naipamahagi sa naturang lugar, kabilang ang nasa limang libong mga residenteng nakatanggap ng ₱10,000 financial aid bilang mga benepisyaryo ng Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF).
Sa pagbisita sa CamSur, sinabi ni PBBM sa kaniyang talumpati, na umaasa raw siya na muling makakabangon ang bansa, mula sa mga tulong na ipinamamahagi ng gobyerno.
“Umaasa ako na sa tulong at suportang inihahatid namin sa inyo ngayon, kayo ay magkakaroon ng sapat na kakayahan para makabangon muli,” anang Pangulo.
Nakatanggap din umano ng ₱10,000 ang mga limang libong mga residente mula sa 15 munisipalidad sa Albay.
Dagdag pa ni Marcos, nagpupursigi raw ang pamahalaan na muling maibalik na sa normal ang buhay at mga pangkabuhayan sa Bicol region, sa lalong madaling panahon.
“Talagang nagpupursigi tayo na maibalik sa normal sa lalong madaling panahon ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan nitong bagyo,” ani Marcos.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nauna na ring ipamahagi ni Marcos ang tinatayang ₱130M kaukulang pinansyal na tulong kung saan ₱50M nito ay ibinigay niya kay Albay acting Governor Glenda Ong-Bongao, ₱30M para sa Naga City at ₱50M sa Camarines Sur.
Kate Garcia