November 07, 2024

Home FEATURES Trending

Kilalanin si Donald Trump at ang muli niyang pagbalik bilang Pangulo ng Estados Unidos

Kilalanin si Donald Trump at ang muli niyang pagbalik bilang Pangulo ng Estados Unidos
Photo courtesy: Donald Trump/Facebook

Muling makababalik ng White House si US President Elect Donald Trump, matapos siyang magwagi kontra kay incumbent US Vice President Kamala Harris nitong Miyerkules, Nobyembre 6, 2024 (araw sa Pilipinas).

Si Trump ang ika-47 Pangulo ng Estados Unidos na minsan na ring namuno sa naturang bansa noong 2017 hanggang 2021, bilang ika-45 Presidente nito.

Matatandaang noong Nobyembre 2022 nang ianunsyo ni Trump ang kaniyang interes sa pagtakbo sa 2024 US Elections.

Sa muling pagkapanalo ni Trump, ayon sa ulat ng isang international media outlet, isa sa mga nakatakda niyang paigtingin ay ang foreign policy ng Estados Unidos, lalo na raw ang tindig nito sa pagitan ng giyera ng Israel at Hamas, gayundin sa umano’y “strategic independence” nito kontra China.

Trending

'Employed era is healing the inner child?' Post tungkol sa 'healing the inner child' umani ng reaksiyon

Kasabay ng pagratsada ng kandidatura ni Trump ngayong taon, siya rin ang kauna-unahang naging Pangulo ng Estados Unidos na nasampahan at humarap sa kasong “felony,” kaugnay ng umano’y pamemeke umano niya ng ilang business documents at pagmamanipula daw ni Trump sa riot na naganap sa White House noong 2021, kung saan muntik nang maantala ang pag-upo noon ni Joe Biden bilang bagong presidente ng US.

Bago pa man tuluyang mamayagpag ang kaniyang karera sa pulitika, nauna nang makilala si Trump bilang isang businessman at real estate developer. Samantala, bitbit ang slogan na “Make America great again,” nagpasya si Trump na kumandidato noong 2015 sa pagka-Pangulo ng Estados Unidos.

Taong 2019 nang ipag-utos ni Trump sa Pentagon na magkaroon ng U.S Space Force ang naturang bansa. Ang Pentagon ang sentro at headquarters ng Department of Defense ng naturang bansa. Sa kaparehong taon din hanggang 2021 nang ma-impeach si Trump ng House of Representatives dahil sa umano’y abuse of power at obstruction.

Kasabay ng kaniyang pangangampanya ngayong 2024, minsan ding nalagay sa panganib ang buhay ni Trump, matapos ang shoot-out at ang umano’y assassination attempt sa kaniya sa Pennsylvania, dalawang araw bago siyang itanghal na Republican nominee.

Samantala, marami naman ang nag-aabang kung ano raw ang magiging pagbabago sa koneksyon ng Pilipinas at Estados Unidos, sa muling pagbabalik ni Trump at magiging relasyon nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kate Garcia