Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue sa Metro Manila, partikular na sa apat na munisipalidad na pinaniniwalaang nasa epidemic level na umano, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isinagawang press briefing ng DOH nitong Martes, Nobyembre 5, 2024, kinumpirma ni Department of Health- Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Mary Grace Labayen ang nakaaalarmang kaso raw ng dengue.
“Kapag naabot ang alert threshold, nangangahulugan na mas mataas ito kaysa sa normal na mga kaso kaya kailangan nang mag-ingat at magpatupad ng mga hakbang upang hindi lumalala o kumalat ang sakit,” ani Labayen.
Kabilang sa apat na siyudad sa Metro Manila na nasa epidemic level na ay ang Marikina, Pateros, Quezon City at Maynila. Kalimitan din umanong tinatamaan ng dengue ay ang mga nasa edad 5 hanggang 9-anyos.
Ayon sa ulat ng GMA News Online, mas mataas daw ng 18% ang kaso ng dengue sa bansa, kumpara noong 2023 kung saan pumalo na sa 24, 232 ang nagkaroon ng naturang sakit mula Enero 1 hanggang Oktubre 24, 2024. Mayroon na rin daw 66 katao sa National Capital Region (NDR) ang nasawi dulot ng dengue.
Muli ring ipinanawagan ng DOH ang 4S sa publiko:
Search and destroy breeding places;
Secure self-protection;
Seek early consultation;
Support fogging or spraying sa mga maaaring pangitlugan ng lamok.
Kate Garcia