November 22, 2024

Home BALITA National

Dela Rosa kapag ibinigay ni Escudero ang transcript sa ICC: ‘I will try to question him'

Dela Rosa kapag ibinigay ni Escudero ang transcript sa ICC: ‘I will try to question him'
Photo courtesy: Senate of the Philippines, Chiz Escudero/Facebook

Handa raw si Sen. Bato Dela Rosa na kuwestiyunin ang magiging tugon ng senado sa ilalim ng liderato ni Senate President Chiz Escudero, kung makikipag-ugnayan ito sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa panayam ng media kay Dela Rosa nitong Nobyembre 5, 2024, tahasan niyang sinabi na nakahanda raw siyang kuwestiyunin si Escudero kapag ibinigay nito sa ICC ang certified transcript ng naging pagdinig ng senado sa imbestigasyon ng war on drugs. 

“Kung magsubmit siya, I will try to question him. Why are you submitting to ICC? In fact we do not recognize the jurisdiction of ICC,” ani Dela Rosa. 

Matatandaang kamakailan lang ay inihayag ni Escudero na nakahanda silang sertipikahan ang kopya ng naging pagdinig ng senado hinggil sa isyu ng drug war, kung sino man ang manghihingi nito sa kanila, basta’t may sapat daw na dahilan. 

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Maka-ilang ulit ding iginiit ni Dela Rosa na hindi kinikilala at walang jurisdiction ang ICC sa bansa. 

“Dapat synchronize tayong lahat. 'Pag sinabi ng Malacanang na hindi natin nirerecognize yung jurisdiction ng ICC, edi hindi natin dapat i-recognize as a country,” saad ni Dela Rosa. 

Si Dela Rosa ang noo’y PNP Chief nang ipatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs o mas kilala bilang “Oplan Tokhang,” na ayon sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na inilathala ng ABS-CBN news, ay umabot umano sa 6,241 ang mga nasawi mula nang ipatupad ang nasabing kampanya noong 2016. 

"Ang habol ko lang naman dito ay hindi tayo magmukhang t*nga as a nation," dagdag pa ni Dela Rosa.

Samantala, wala pang inilalabas na sagot si Escudero hinggil sa naging pahayag ni Dela Rosa. 

Kate Garcia