November 23, 2024

Home BALITA National

Confidential fund misuse sa ilalim ni VP Sara, posibleng umabot sa ₱612.5M – House panel

Confidential fund misuse sa ilalim ni VP Sara, posibleng umabot sa ₱612.5M – House panel
VP Sara Duterte (Photo: House of Representatives/FB)

Iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang kabuuang ₱612.5 milyon na potensyal umanong maling paggamit ng confidential funds sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ito ni panel chairperson at Manila 3rd district Rep. Joel Chua sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara nitong Martes, Nobyembre 5, hinggil sa umano'y maling paggamit ng confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) noong si Duterte pa ang kalihim. 

Kinuwestiyon ni Chua ang tinawag niyang “improper” at “unexplained” expenditures ng OVP at DepEd na nagugol sa loob ng dalawang taon.

“Sa totoo lang, ₱612.5 million ang kabuuang confidential funds ang ibinigay sa OVP at DepEd sa loob ng dalawang taon. Nasaan na ngayon ang ₱612.5 million? Sino ang gumastos nito at para saan ito ginastos?” ani Chua. 

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Marahil, pwede nang masabing improper ang gamit sa confidential funds ng mga ahensiyang ito… Upang mas mabigyan pa tayo ng linaw, nararapat na masagot ang katanungang ito: anong nangyari sa pera ng taong bayan?” dagdag pa niya.

Sa ₱612.5 milyong nakasailalim sa imbestigasyon, ₱500 milyon ang nauukol sa confidential funds allocations ng OVP, habang ₱112.5 milyon ang napunta sa DepEd. 

Nakatanggap ang OVP ng kabuuang ₱625 milyon na confidential funds para sa huling bahagi ng 2022 at buong 2023, kung saan nirepaso ng Commission on Audit (COA) ang ₱500 milyon ng halagang ito at napansin ang malalaking iregularidad.  

Ang nasabing pagdinig ng good government panel nitong Martes ang ikaapat na hearing na isinagawa hinggil sa confidential funds misuse ng OVP at DepEd, ngunit sa unang pagdinig lamang dumalo si Duterte. Sa nag-iisang pagdinig na ito, tumanggi siyang manumpa at umalis nang maaga sa proceedings.

Nagsilbi si Duterte bilang DepEd Secretary mula Hunyo 30, 2022 hanggang sa kaniyang pagbibitiw noong Hulyo 19, 2024. 

Nauna nang sinabi ni Chua na hindi isa-cite in contempt ng good government panel si Duterte bilang paggalang sa kaniyang puwesto bilang pangalawang pinakamataas na posisyon sa bansa. 

Sinabi ni Chua na iilan lamang ang mga opisyal na lumalapit upang tumestigo, dahilan kaya’t ang mga kinatawan ng COA ang nagsilbing pangunahing resource persons sa mga pagdinig. 

Noong Disyembre 2022 lamang, gumastos daw ang OVP ng ₱125 milyon sa loob ng 11 araw—mula Disyembre 21 hanggang 31—o nasa 11.364 milyon kada araw. Sa nasabing halaga, hindi pinayagan ng COA ang ₱73.3 milyon dahil sa mga iregularidad at nag-utos ng “repayment” mula kay Duterte at dalawa pang opisyal ng OVP. 

Bukod pa rito, naglabas ang COA ng tatlong Audit Observation Memorandum noong 2023 matapos nitong banggitin ang mga natuklasan sa paggamit ng quarterly confidential funds ng OVP hanggang sa ikatlong quarter. 

Isa sa confidential funds expenditures na pinagduduhan ay ang ₱16 milyong iniulat na ginastos ng OVP sa 34 na safe house sa loob ng 11 araw noong 2022.  

Binanggit din ni Chua ang ₱15 milyon sa confidential fund expenses na naiulat na inilaan ng DepEd sa youth leadership summits (YLS) at iba pang anti-extremism programs. Ang mga ito umano ay nabigyang-katwiran sa pamamagitan ng mga sertipikasyon mula sa Philippine Army battalions, hanggang sa itinanggi ang mga ito ng army officials sa naunang pagdinig.

- Ellson Quismorio