December 23, 2024

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit 'main character' tawag sa mga taga-NCR na umuuwi sa probinsya?

ALAMIN: Bakit 'main character' tawag sa mga taga-NCR na umuuwi sa probinsya?

"Hay naku traffic na naman, pabalik na ang mga main character!"

Nitong Nobyembre 3 hanggang 4 o kahit hanggang ngayon siguro, nagkalat sa social media ang memes patungkol sa mga bakasyunistang nagsiuwi sa kani-kanilang mga probinsya dahil sa Undas, at nagsibalik na ulit sa Maynila para sa "back to normal" na pagbabanat na naman ng buto, o pagharap sa mga naghihintay na trabaho.

Kaya naman, katakot-takot na traffic congestion ang naranasan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, halimbawa na lamang, sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, dahil karamihan nga ay bumiyahe na pabalik. Hindi lang ito sa Undas nangyayari kundi kapag may espesyal na okasyon o holiday gaya na lamang ng Pasko, Bagong Taon, o Semana Santa.

Ngunit sa mga panahong ito, may isang terminong uso sa social media ang ginagamit para ilarawan ang kanilang pag-uwi: ang "main character." Ano nga ba ang ibig sabihin nito, at bakit nga ba ito akma sa karanasan ng mga balik-probinsya?

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

ANG "MAIN CHARACTER SYNDROME" O PAGIGING SENTRO NG ATENSYON

Sa konteksto ng kulturang popular, ang tinatawag na “main character syndrome” ay isang biro na tumutukoy sa pananaw na ang isang tao ay tila bida sa sarili niyang kuwento, lalo na kapag umuwi siya ng probinsya.

Sa iba, tinatawag silang "feeling artista," feeling sikat," o "feeling celebrity" sa kanilang dadatnang pamayanan. 

Ang ganitong pananaw ay karaniwang ipinakikita sa pamamagitan ng pagpo-post ng mga highlight ng kanilang buhay sa social media, mula sa mga simpleng bagay gaya ng pag-inom ng kape hanggang sa malalaking pangyayari gaya ng paglalakbay; tutal, nabuo ang terminong ito dahil na rin sa netizens na kadalasang tambay sa iba't ibang social media platforms, na naging "arbitraryo" o pinagkasunduan na ng lahat.

Para sa mga taga-Maynila na umuuwi sa probinsya, ang kanilang pag-uwi ay nagiging isang highlight reel kung saan bawat eksena—ang biyahe, ang pagsalubong sa kanila ng mga mahal sa buhay, at ang masayang pagsasalo-salo—ay tila bahagi ng isang pelikula.

PAGBABALIK NG "BIDA" SA KANIYANG PINAGMULAN

Para sa mga nagtrabaho o nanirahan sa Maynila nang matagal na panahon, ang pagbalik sa probinsya ay isang bagay na may halong pananabik na bumalik sa kanilang pinagmulan. Sila ang ngayon ang “bida” sa sariling kuwento ng kanilang mga pamilya at pamayanan na matagal na nilang iniwan. Sa mga mata ng mga kaanak at kaibigan, ang pagbabalik nila ay isang mahalagang pangyayari—isang muling pagsasama ng mga bida sa eksenang inaabangan ng lahat.

Dagdag pa rito, maraming balik-probinsya ang nagdadala ng mga pasalubong o kuwento ng kanilang buhay sa Maynila, na nagbibigay sa kanila ng kakaibang imaheng para bang “sosyal” o "sophisticated" mula sa karanasan sa lungsod. Ang atensyon at interes sa kanilang mga kwento ang nagbibigay-daan upang maituring silang "main character."

Maraming umalis ng probinsya para maghanap ng mas magandang kinabukasan o para makatulong sa kanilang pamilya, at nakita nila ang National Capital Region bilang isang lugar ng mga oportunidad. Ang mga sakripisyong ito ay bahagi ng kanilang kuwento, at sa kanilang pag-uwi, tila nagiging simbolo sila ng tagumpay at pagsusumikap, lalo na kung nakitaan sila ng "improvement" pagdating sa pisikal na anyo o kaya naman sa lifestyle.

PAPEL NG SOCIAL MEDIA SA MAIN CHARACTER EFFECT

Malaki ang papel ng social media sa pagpapalaganap ng “main character” effect. Makikita sa mga post ng mga balik-probinsya ang kanilang mga larawan at video na nagpapakita ng kanilang biyahe pauwi, mula sa pagsakay sa bus, barko, o eroplano, ang pagdating sa terminal, hanggang sa mainit na salubong ng mga mahal sa buhay. Ang bawat post ay parang eksena sa isang pelikula, kung saan ang bida ay ang nagbabalik na taga-Maynila. Sa social media, bawat pag-uwi ay isang kwento ng muling pagkikita, pagmamahalan, at pag-alala sa nakaraan, kaya’t ang “main character” label ay nagiging mas akma at nakakaaliw.

Likas na siguro sa tao, hindi man lahat, na ipakita sa kaniyang mga mahal sa buhay at iba pang mga kakilala na may nangyayari, nababago, o may kinahihinatnan naman ang araw-araw niyang pakikibaka sa Maynila, kumbaga, "nakaahon-ahon" o "nakaluwag-luwag" na.

Ngunit ang pagiging “main character” ng mga taga-Maynila sa kanilang pag-uwi ay hindi lamang simpleng pagpapapansin o pagpapakita ng magandang larawan sa social media. Sa likod ng bawat post at kuwento ay ang masalimuot na katotohanan ng buhay sa lungsod, ang sakripisyo ng malayong pamumuhay mula sa pamilya, at ang pananabik na makauwi sa mga taong mahalaga sa kanila.

Ikaw, kailan ka nag-feeling main character?