Nanindigan si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na mayroong flood control projects sa bansa pero ito raw ay na-overwhelm ng Bagyong Kristine.
Sa isang media interview sa Laurel, Batangas nitong Lunes, Nobyembre 4, sinagot ni Marcos ang mga naghahanap ng bilyong-halaga na flood control projects sa bansa sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa kamakailan.
"Maraming nagsasabi, nababasa ko sa dyaryo, naririnig ko sa radyo, television, nasaan ang mga flood control [projects]? Nandyan ang mga flood control, na-overwhelm lang," saad ng pangulo.
Inihalintulad ni Marcos ang dami ng ulan na binuhos ng Bagyong Ondoy noon at ng Bagyong Kristine.
"Tingnan ninyo ang statistic. Noong bagyong Ondoy, 400 plus centimeters ang bumagsak na tubig. Dito sa Kristine, ang bumagsak na tubig is about 700 plus. Halos doble ng Ondoy.
"Kaya’t ‘yung flood control ginawa natin para sa mga baha kagaya ng Ondoy. Bago ito. Kausapin niyo ‘yong mga tao. Iyong mga lugar na gumuho ang lupa, ngayon lang nangyari ‘yan, hindi pa nangyari sa buong buhay nila, sa buong kasaysayan ng mga lugar na ‘yon na gumuho ang lupa dahil napakalaki ng tubig," paliwanag pa ni Marcos. "Tapos ‘yong mga nabaha, ganoon din. Bumabaha siguro dati pero hindi ganito kalaki. Nagbago talaga ang panahon. Kaya ‘yong climate change na aming pinag-uusapan ay talagang naging—nakikita na natin."
Sinabi rin ng pangulo na hindi naman na raw kailangang ipaliwanag dahil nararamdaman na raw talaga ang climate change.
"Hindi na kailangan ipaliwanag dahil unfortunately ay nararamdaman na talaga natin na sarili natin. Hindi na natin kailangan pa basahin pa ‘yung mga report o study ng mga siyentipiko. Alam na natin kung gaano kabigat ang magiging epekto ng climate change.
"‘Di bale, basta tulong lang tayo nang tulong," ayon pa kay Marcos.
Samantala, wala rin daw problema ang pangulo kung iimbestigahan ang mga flood control projects sa kabila ng mga nangyari.
"Oo, sige. Wala akong problema. But also they have to realize there are two sides to this," anang pangulo.
"Sinasabi ‘yong flood control--talagang na-overwhelm ang flood control natin. May flood control tayo hindi kaya. Hindi talaga kaya dahil sa buong kasaysayan ng Pilipinas wala pang ganito. Ngayon lang natin haharapin ito.
"Kaya’t dapat maunawaan talaga ng tao hindi lamang ‘yung budget kung hindi kung ano ‘yung science – what’s the science, follow the science, see what’s happening," paliwanag ni Marcos.
Dahil sa mga matinding pagbaha, sinabi ng pangulo na babaguhin nila ang disenyo at pagtitibayin ang mga imprastraktura.
"...Kaya’t gagawin natin babaguhin natin ang mga design, patitibayin natin ‘yang mga infrastructure, mga flood control, ‘yung mga slope protection, pati ‘yung mga tulay, lahat ‘yan kailangan nating baguhin. Tingnan natin ng mas magandang design."
Kaugnay nito, aminado si Marcos na hindi siya “satisfied” sa naging pagresponde ng pamahalaan sa pananalasa ng bagyong Kristine na kumitil ng mahigit 100 indibidwal sa bansa.
BASAHIN: PBBM, ‘di satisfied sa pagresponde ng gov’t sa bagyong Kristine: ‘It’s never enough’