Tila nag-stand-out sa buong Smart Araneta Coliseum si Talk ‘N Text Center Poy Erram noong Linggo ng gabi, Nobyembre 3, 2024, matapos siyang asarin ng fans ng katunggaling koponan na Brgy. Ginebra Gin Kings, sa game 4 ng championship ng Philippine Basketball Association (PBA) Governor’s Cup.
Sabay-sabay kasing nagsigawan ng “iyakin!” ang fanbase ng Ginebra matapos almahan ni Erram ang foul na itinawag sa kaniya ng referee sa kasagsagan ng third quarter.
Nangyari ang “iyakin moments” sa pagitan ni Erram at diehard Ginebra fans, nang sabayan ni Erram sa ere si Ginebra bigman Forward Japeth Aguilar kung saan napituhan siya ng foul ng referee, at bahagyang natigil ang laban sa iskor na 79-71, pabor na kalamangan sa Ginebra.
Sa panayam ng media kay Erram, wala naman daw itong problema sa kaniya lalo na’t hindi rin ito ang unang beses na danasin niya ito sa fanbase ng Ginebra.
“Okay lang ako, basta wala lang maaapektuhan sa pamilya ko, sa asawa ko. Boo, iyakin, ayos lang,” ani Erram.
Nagtapos ang laban sa 106-92, nang tuluyang pinayuko ng Ginebra ang TNT, upang tablahin ang series tied sa 2-2. Nakatakda pa ring ganapin sa Araneta, ang game 5 ng finals sa Miyerkules, Nobyembre 6, 2024.
Kate Garcia