January 23, 2025

Home BALITA

Ilang munisipalidad, institusyon, naka-half mast; pakikiisa sa Nat'l Day of Mourning

Ilang munisipalidad, institusyon, naka-half mast; pakikiisa sa Nat'l Day of Mourning
Photo courtesy: Super Radyo DZBB 594KHZ/Facebook

Iba’t ibang bayan at paaralan ang nakiisa sa paggunita ng National Day of Mourning nitong Lunes, Nobyembre 4, 2024, upang alalahanin ang lahat ng mga nasalanta at nasawi sa pananalasa ng bagyong Kristine noong nakaraang Oktubre.

Sa Laurel, Batangas, kung saan naganap ang landslide na kumitil sa tinatayang 20 indibidwal, pinangunahan ng Laurel Municipal Hall ang half-mast flag raising.

Matatandaang noong Nobyembre 2, 2024 nang ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang ika-4 ng Nobyembre bilang National Day of Mourning sa ilalim ng Proclamation No. 728.

Sa bisa ng naturang proklamasyon, iminamandato nito na kinakailangang half-mast ang watawat ng bansa sa buong maghapon, alinsunod na rin sa Republic Act. 8491, kung saan isinasaad nito na ang watawat ng bansa ay nararapat na naka-half-mast sa tuwing may ginugunitang pagkamatay ng mga bayani, kalamidad at mandato ng Pangulo ng Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ilang pampublikong paaralan at institusyon din sa bansa ang maagang nagsagawa ng flag raising ceremony katulad sa Caanawan sa Nueva Ecija, mga bayan ng Laurel at Mataasnakahoy sa Batangas, Igbalangao sa Antique, Northern Samar, Bukidnon at Davao City Municipal Hall.

Naka-half-mast na rin ang watawat ng bansa sa Luneta Park sa lungsod ng Maynila, maging sa tanggapan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Oktubre 31, umabot sa tinatayang 150 ang nasawi sa magkasunod na pananalasa ng bagyong Kristine at Leon, habang 115 ang nasaktan at 29 ang naiulat na nawawala.

Kate Garcia