Bahagya pang lumakas ang bagyong Marce habang kumikilos ito pa-west northwest sa Philippine Sea, ayon sa 11 AM update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Nobyembre 4.
Base sa tala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Marce 775 kilometro ang layo sa silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-west northwest sa bilis na 35 kilometers per hour.
Inaasahang lalakas pa ang bagyong Marce at posibleng umabot sa “severe tropical storm” category bukas ng Martes, Nobyembre 5. Posible ring itaas pa ito sa “typhoon” category bukas ng gabi o sa Miyerkules ng madaling araw, Nobyembre 6.
Posibleng mag-landfall ang bagyo sa vicinity ng Babuyan Islands o mainland Northern Cagayan pagsapit ng Huwebes ng gabi, Nobyembre 7, o Biyernes ng madaling araw, Nobyembre 8.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa.
Samantala, posibleng itaas sa Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Cagayan bukas.