Tila maagang nakatanggap ng pamasko ang pamilya ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo mula kay senatorial aspirant Luis "Chavit" Singson, kamakailan.
Ayon sa ulat ng ilang local media outlets, ₱1M ang ibinigay ni Singson sa pamilya Yulo sa pagnanais daw nitong maayos na ang gusot sa pagitan ni Caloy at ng kaniyang pamilya.
Pumutok sa publiko ang isyu ng pamilya Yulo matapos ang 2024 Paris Olympics na may kaugnayan sa paggasta raw ng ina ni Caloy na si Angelica Yulo sa kaniyang mga cash incentives, gayundin ang palitan ng pasaring sa pagitan ng kaniyang pamilya at girlfriend na si Chloe San Jose.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mag-heal kayo!' Carlos Yulo napatawad na ang ina sa kabila ng mga ginawa sa kaniya
Samantala, inihayag umano ni Singson sa kaniyang pagbisita sa mga Yulo, na tanging pagmamahal at pagpapatawad daw ang dapat nananaig sa isang pamilya.
“No amount of success should overshadow one’s love and respect for his family. Forgiveness, understanding and compassion should always prevail among members of Filipino families,” ani Singson sa media.
Matatandaang nauna nang ipangako noon ni Singson na handa raw siyang magbigay ng ₱5M kapag nagkaayos na si Caloy at kaniyang pamilya.
KAUGNAY NA BALITA: Chavit may pa-₱5M kay Carlos Yulo para sa unity ng pamilya at jowa
Saad pa ni Singson, hindi lamang daw “gold” ang hangad ng marami mula sa pamilya Yulo, dahil maging ang kaayusan daw sa pamilya nito ay marami din ang nag-aasam.
“And with the most wonderful time of the year fast approaching, Filipinos are praying for the Yulos to hand them a gift that’s more precious than gold – the gift of unity in the family,” ani Singson.
Matatandaang kasabay ng paghahanda ni Caloy sa paparating na 2025 South East Asian Games (SEA Games) ay ang pamamayagpag din ng kaniyang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew Yulo na nagkamit ng gintong medalya sa Thailand.
KAUGNAY NA BALITA: Golden Boy rin! Karl Eldrew Yulo, sumungkit ng gintong medalya sa Thailand
Kate Garcia