Napag-usapan ang posibilidad ng pagpasok ni Unkabogable Star Vice Ganda sa politika sa ikalawang bahagi ng panayam sa kaniya ni showbiz insider Ogie Diaz.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Sabado, Nobyembre 3, sinabi ni Vice Ganda na kung kakandidato man siya ay hindi niya ito paplanuhin.
Ayon sa kaniya, “Parang hindi ko siya mapaghahandaan. Parang sabi nga nila, calling. ‘Pag naramdaman mo, naramdaman mo. Ni hindi ko nga siya paplanuhin.”
“Kaya ‘pag may nagtatanong nga sa akin ‘di ba niloloko ko. Sabi ko, ‘ayaw ko niyan ang baba. Gusto ko presidente agad,’” aniya.
Dagdag pa ng komedyante, hindi raw siya mangangampanya kapag kumandidato siya sa isang posisyon dahil ang kaniyang mga kinita ay pinaghirapan niya.
“Hindi ako mangangampanya. Magpa-file ako ng candidacy tapos gagawa akong vlog. ‘Tatakbo po ako ito po ‘yong mga plataporma ko. Kung bet n’yo kong iboto, go. Kung hindi, okay lang din.’ Pero joke lang ‘yon,” wika niya.
Sa kasalukuyan, hindi pa raw talaga nakikita ni Vice Ganda ang sarili na nasa politika bagama’t hindi naman daw niya isinasara ang posibilidad na darating ang araw na maghahain siya ng kandidatura.
Matatandaang isa rin ang Unkabogable Star sa mga pangalang lumutang sa showbiz na natutunugang tatakbo para sa 2025 midterm elections.
MAKI-BALITA: Panapat sa tatlong Duterte? Vice Ganda, Angel, Dingdong pinatatakbong senador