Isang bagong low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang nabuo nitong Linggo ng madaling araw, Nobyembre 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa public forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Grace Castañeda na nabuo ang LPA bandang 2:00 ng madaling araw at huli itong namataan 1,605 kilometro ang layo sa silangan ng northeastern Mindanao.
Mababa naman ang tsansang maging bagyo ang nasabing LPA sa susunod na 24 oras, ani Castañeda, ngunit hindi raw inaalis ang posibilidad na pumasok ito sa PAR sa susunod na 24 hanggang 48 oras.
Wala pa naman daw direktang epekto ang LPA alinmang bahagi ng bansa.
Samantala, inulat ng PAGASA na ang northeasterly wind flow, easterlies, at localized thunderstorms ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Inaasahang magdadala ang northeasterly wind flow ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Batanes at Babuyan Islands.
Samantala, inaasahang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Aurora, Quezon, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.