Napanatili ng Philippine Dragon Boat Team ang pagratsada ng kanilang kampanya para sa ICF Dragon Boat World Championship matapos mag-uwi ng walong gold medals, anim na silver at anim na bronze medals noong Nobyembre 1, 2024.
Naunang makopo ng nasabing National Team ang unang apat na medalya noong Biyernes ng umaga, Nobyembre 1, sa kabila ng malakas na alon sa Puerto Princesa.
Nasundan ito ng isa pang back-to-back winning streak ng 40+ women’s at men’s standard boat 500 meters event.
Ayon kay Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation (PCDKF) President Lenlen Escollante, masaya raw sila sa tuloy-tuloy na pagkamit ng parangal ng nasabing koponan, sa kabila ng naging mahina raw nilang umpisa sa unang araw ng kompetisyon.
“This historic accomplishment was a total effort team: from athletes, coaches, the support staff, everyone responsible in making sure that our national paddlers would excel in this tournament,” ani Escollante.
Matatandaang inulan ng batikos ang pamunuan ng PCKDF matapos mag-viral ang larawan ng Philippine Dragon Boat Team na nakasakay umano sa isang dump truck papunta sa kanilang training grounds.
KAUGNAY NA BALITA: Pagsakay ng Philippine Dragon Boat Team sa ‘dump truck’ papuntang training, pinuna ng netizens
Ang nasabing viral photo ng koponan ay mabilis na dinepensahan ni Escollante, parte raw ng preparasyon ang pagpapasakay nila sa atleta sa dump truck, upang ikondisyon daw ang mga ito, bilang mga ganap na atleta at hindi raw beauty queens.
KAUGNAY NA BALITA: Canoe-Kayak Federation, dumipensa; sinakyang dump truck ng PH Dragon Boat Team, ‘malinis at brand new’
-Kate Garcia