December 22, 2024

Home BALITA

PBBM, pinapasama sa dasal mga biktima ng bagyong Kristine

PBBM, pinapasama sa dasal mga biktima ng bagyong Kristine
Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)/ PRO-Calabarzon (FB)

Nanawagan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa taumbayan na isama sa panalangin sa All Souls' Day ang mga yumaong biktima ng paghagupit ng bagyong Kristine sa nagdaang Oktubre.

Sa kaniyang vlog entry number 265 tungkol sa "Disaster Resilience" na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post, sinabi ng pangulo na isama raw sa panalangin ang mga nasawi dahil sa matinding pananalasa ng bagyo, na sinundan pa ng bagyong #LeonPH.

"Matinding pagsubok ang sinasapit ng marami nating mga kababayan dahil sa nagdadaang bagyo. Kaya't ngayong Undas, bukod sa ating mga yumaong mahal sa buhay, ay isama na rin natin ang ating panalangin para sa mga biktima at nasalanta ng sakunang ito," aniya.

Sinabi ng pangulo na higit sa 100 ang naitalang namatay at milyon-milyon ang naapektuhan sa nabanggit na hambalos ng bagyo, at ang iba ay patuloy pa ring pinaghahanap dahil nawawala. Bilyon-bilyong halaga ng mga pananim at imprastraktura naman daw ang nawasak.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"As we remember those we've loved and lost, let’s also hold in our hearts the countless Filipinos striving to rebuild after Severe Tropical Storm Kristine. We are with you, committed to reaching every family, restoring every home and standing alongside each community," mababasa naman sa caption ng post.

"In a Bagong Pilipinas no effort is spared in building a future that’s stronger and more united."

Ibinida rin ng pangulo ang paniniguro ng pamahalaan sa pagpapaigting ng "disaster resilience" sa bansa.

Kaugnay nito, idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 4 bilang National Mourning Day para sa mga Pilipinong naging biktima ng bagyong Kristine.

KAUGNAY NA BALITA: Nobyembre 4, National Mourning Day para sa mga biktima ni 'Kristine'—Malacañang