November 23, 2024

Home BALITA National

VP Sara, nanawagang ipagdasal kapayapaan ng PH sa harap ng ‘hamon ng kasamaan’

VP Sara, nanawagang ipagdasal kapayapaan ng PH sa harap ng ‘hamon ng kasamaan’
Courtesy: VP Sara Duterte/FB

Sa kaniyang pakikiisa sa paggunita ng Undas, nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipinong ipagdasal ang kapayapaan ng Pilipinas “sa harap ng mga hamon ng kasamaan, katiwalian, at mga pansariling interes para sa yaman at kapangyarihan ng ilan.”

Sa kaniyang mensahe para sa Undas nitong Biyernes, Nobyembre 1, unang ipinahayag ni Duterte ang kahalagahan ng pagdiriwang bilang pagbibigay-pugay sa mga santo at pag-alala sa mga pumanaw na mahal sa buhay.

“Ipagdasal natin ang maluwalhating kapayapaan ng kaluluwa ng mga pumanaw kasabay ng ating pagpapasalamat sa kanilang pagmamahal, gabay, at mga aral na ipinamana nila sa atin,” ani Duterte.

“Alalahanin din natin ang kabanalan ng mga santo na nagpapatatag sa ating pananampalataya sa Diyos,” dagdag niya.

National

De Lima kay VP Sara: ‘Kung magnakaw wagas, kapag pinapaliwanag andaming hanash!’

Hinikayat din ng bise presidente ang mga Pinoy na ipagdasal sa Diyos at mga santo ang kanilang mga sariling pangamba at maging kapayapaan ng bansa.

“Idulog natin sa kanila ang ating mga pangamba at manalangin tayo na maibsan sana ang bigat ng ating mga pasanin sa buhay,” ani Duterte.

“Sama-sama rin nating ipagdasal ang kapayapaan at katatagan ng ating bansa sa harap ng mga hamon ng kasamaan, katiwalian, at mga pansariling interes para sa yaman at kapangyarihan ng ilan,” saad pa niya.