Pinaalalahanan ng mga obispo ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na gawing taimtim ang paggunita sa Undas at ipagdasal ang kanilang mga yumao.
Ang paalala ay ginawa nina Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco bunsod na nakatakdang paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day ngayong weekend.
Umaasa si Pabillo na ituturing ng mga mananampalataya ang Undas na isang taimtim na selebrasyon ng pag-alala sa buhay ng mga yumao at mag-alay ng panalangin sa mga santo ng simbahang katolika.
"Para sa ating mga katoliko, isang malaking pagkakataon din ito na tayo'y makapagsimba upang magdasal para sa mga yumao natin at ganundin upang tayo ay makapagdasal sa sementeryo para sa mga mahal natin sa buhay, alam po natin na hindi napuputol ang ating relasyon sa mga nauna sa atin dahil lang sa kamatayan, mas malakas ang pananampalataya at pag-ibig kaysa kamatayan, kaya kahit na sila'y wala na, may koneksyon pa tayo sa kanila, sa pamamagitan ng ating pagdadasal para sa kanila," ayon kay Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ipinaalala naman ni Ongtioco sa mamamayan na panatilihing banal ang panggunita sa Undas.
Hinimok pa niya ang mga mamamayan na huwag kalimutang mag-alay ng panalangin para sa yumaong mahal sa buhay, sa mga santo ng simbahan at sa mga hindi na naalalang kaluluwa.
“Isa sa mga pagalala at pagdiriwang na taon-taon ginagawa ng mga Pilipino ay ang Undas, nagpupunta sa mga sementeryo o kung sakaling hindi, sila ay nagtitirik ng kandila at nagdarasal sa simbahan o bahay. Magandang paala-ala ito sa lahat na tayo ay itinakda ng Panginoon mabuhay kapiling niya magpasawalang hanggan, maganda rin kaugalian na ipagdasal ang mga yumao para balang araw sa awa ng Diyos malinis sila at makapiling ang Diyos sa atin tunay na tahanan,” aniya pa.
Ipinapanalangin din naman ni Pabillo na gamitin ng mga mananampalataya ang panahon ng Undas upang patuloy na mapatibay ang pananampalataya at mangumpisal sa mga kasalanan.