November 22, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Job application letter, na-stuck sa post office, muling naibalik sa aplikante matapos 48 taon

Job application letter, na-stuck sa post office, muling naibalik sa aplikante matapos 48 taon
Photo courtesy: Pexels

Nabigyan ng closure ang tila “the one that got away” dream job ng isang stunt woman sa England matapos niyang makatanggap ng update sa kaniyang job application letter, matapos ang 48 taon.

Naging usap-usapan kamakailan sa ilang international news media outlets ang kuwento ni Tizi Hodson, 70-anyos mula sa Gedney Hill, Lincolnshire, England tungkol sa kaniyang application letter na tila kusa umano siya nitong hinanap, mabigyan lamang ng kasagutan ang naging palaisipan niyang job application.

Sa panayam ni Hodson sa media, sinabi niya na Enero 14, 1976 nang isumite niya ang kaniyang application letter bilang isang motorcycle stunt rider sa isang kompanya, ngunit wala na raw bumalik na sagot sa kaniya magmula noon.

Nito lamang Oktubre 2024 nang matanggap ni Hodson ang kaniyang handwritten job application letter, na bumalik sa kaniya matapos ang halos limang dekada.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

“Late delivery by Staines Post Office. Found behind a draw [sic]. Only about 50 years late,” saad umano sa ibabaw ng naturang application letter.

Tila ito raw ang naging kasagutan sa naudlot na pangarap ni Hodson kung bakit hindi raw siya binalikan ng kompanyang nais niyang pasukan. Ang kaniyang application letter? Hindi raw pala naipadala sa naturang kompanya at na-stuck lang sa loob ng drawer ng isang post office sa loob ng mahabang taon.

Ani Hodson, iniisip pa rin daw niya kung paano rin siya nahanap ng naturang post office, gayung maka-ilang beses na rin daw siya nagpalipat-lipat ng tirahan.

“How they found me when I’ve moved house 50-odd times, and even moved countries four or five times, is a mystery.”

Pagbabahagi pa ni Hodson sa media, dinamdam aniya ang hindi raw pagsagot ng kompanyang pinagpasahan ng application letter.

“Every day I looked for my post but there was nothing there and I was so disappointed because I really, really, wanted to be a stunt rider on a motorcycle,” saad ni Hodson.

Bagama’t hindi natupad ang pangarap na makapasok sa naturang kompanya, naging stunt rider pa rin daw si Hodson at nakarating din sa iba’t ibang bansa.

Binalikan din ni Hodson ang ilang sa mga isinaad niya sa nasabing application letter kung saan nabanggit din daw niya na buong-loob daw siyang handang masaktan, sa pagiging stunt rider.

“I even stupidly told them I didn’t mind how many bones I might break as I was used to it,” ani Hudson.

Dagdag pa niya, maipapayo niya pa rin daw sa kaniyang “younger self” na piliin pa rin ang tinahak niyang karera, bagama’t ilang beses siyang nabalian ng buto.

“If I could speak to my younger self, I would tell her to go and do everything I’ve done. I’ve had such a wonderful time in life, even if I have broken a few bones.”

Ang kuwento ni Hodson ay tila patunay na bagama’t may mga nagsasarang pinto sa gitna ng karera ng buhay, ay palagi pa ring may ibang daan upang magpatuloy.

Ikaw, hanggang kailan mo kayang maghintay para sa iyong pangarap?