Tinuluyang kasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz, kaugnay pa rin sa pang-aabuso umano sa Sparkle GMA Artist Center artist na si Sandro Muhlach, anak ng dating child actor na si Niño Muhlach.
Batay sa mga ulat, isinampa ang mga kaso laban kina Nones at Cruz sa Pasay Regional Trial Court (RTC), at naipa-raffle sa Pasay RTC Branch 115.
Nag-ugat pa rin ito sa isinampang reklamo ni Sandro laban sa dalawa sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto, matapos umanong maganap ang mga inireklamo niya sa dalawa, matapos ang GMA Gala 2024.
Nakahanap umano ng matibay na ebidensya ang prosecutors para sa isulong ang kaso.
Matatandaang humarap na rin ang dalawa sa isinagawang senate committee hearing on Public Information and Mass Media noong Agosto, sa pamumuno ni Sen. Robin Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Mga inireklamo ni Sandro: 'Bakla kami pero hindi kami abuser!'