Bumisita si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary at senatorial aspirant Benhur Abalos sa Naga City, Camarines Sur kamakailan at nagkaloob ng donasyon sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice President Leni Robredo para sa mga nasalanta ng bagyo sa lungsod.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Oktubre 29, nagpaabot ng pasasalamat si Robredo sa pagbisita ni Abalos noong Linggo, Oktubre 27, at pag-donate ng ₱1 milyon, relief goods, at Doxycycline.
Madaling araw daw na nakarating si Abalos sa Naga, at dahil hindi pa ito kumakain, niyaya siya nina Robredo na mag-almusal.
“Thank you, former DILG Secretary Benhur Abalos, for visiting Naga, once again, last Sunday and bringing much needed help to our kababayans,” ani Robredo sa kaniyang post.
Isa ang Camarines Sur, kung saan nakatira si Robredo, sa mga lugar na naapektuhan ng naging pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Samantala, sa kasalukuyan ay ang bagyong Leon naman ang nananalasa sa ilang bahagi ng Luzon, partikular na sa Batanes.