Tila naka-relate ang mga netizen sa isang Facebook post na ipinadala ng isang anonymous sender kaugnay sa kaniyang pinoproblema, na mababasa sa Facebook page na "PESO SENSE."
Hindi tinukoy ang kasarian ng nabanggit na sender subalit siya raw ay 26 taong gulang, at sa kaniyang edad ay may utang daw siyang aabot sa ₱2 milyon.
Nagkabaon-baon daw siya sa utang dahil sa pagsali sa tinatawag na "Benta Paluwagan" na isang scam. Para makabayad, umutang din siya para matapalan lang ang mga utang para hindi mapahiya, kahit malaki ang tubo o interes.
Dahil dito, nakaapekto raw ito sa kaniyang pisikal na pangangatawan. Nagkapatong-patong din ang kaniyang mga problema matapos niyang ipabarangay.
"Marami ako problema, itsura ko physically marami pimples tumaba ng sobra ang layo na sa dati kong itsura, pero d ko na yun iniinda kasi mas iniinda ko yung mga utang ko. Gusto ko makaahon. May nagpabrgy na nga sa akin at nag file ng kaso sa small claims dahil hindi ko na sila matubuan at mabayaran."
"Ang hirap pala yung gawa ka ng gawa ng paraan matubuan at mabayaran pero talagang sa huli pala pinapalaki ko lang ang problema ko. Sana pinastop ko na ang tubo. Sana pala hinayaan ko na lang ipabrgy ako kahit nakakahiya."
Noon daw na wala pa siyang utang at maluwag pa sa pinansiyal na aspeto, halos palalibre siya sa mga kaibigan. Pero nang mabaon na sa utang at mapa-barangay na rin, napansin daw niyang unti-unti na siyang nilayuan ng barkada.
Akala raw siguro ng mga kaibigan niya ay uutang siya sa kanila.
"Dati pala libre ako ng kaibigan hindi ako mayabang pero sa totoo lang ayoko yung ako yung nililibre nahihiya ako. At saka wala rin sila pera ako yung meron kaya ako nanlilibre. Sa lahat ng circle of friends ko ganun ako. Kaso ngayon wala man lang kahit isa na mangamusta sa akin. Wala talaga."
"Yung isa kong kaibigan lagi ako kausap at kchat nilayuan na rin ako kasi nagrarant ako kako wala kaming kapera pera wala naman ako balak mangutang sa kanya pero ayun nilayuan na ako at hindi na ako nirereplyan pero nakikita ko nagcocomment siya sa iba at nakaonline siya."
"Ang sakit lang ng nangyare sa akin pero patuloy pa rin ako lalaban baka sakaling bukas okay na," nasabi na lamang ng sender.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. Ang iba ay nagbigay na rin ng "unsolicited advice" para sa sender.
"LESSON LEARNED: Huwag ubos biyaya kapag mayroong hawak na pera dahil hindi natin alam ang mangyayari bukas. Piliin din nang mabuti ang mga taong kakaibiganin. Pray to God for clarity and guidance."
"Mahirap din posisyon ng kaibigan mo, di nya intention sigurong ma-offend ka. Malay mo may pinagdadaanan din siya at hindi nakakatulong sa mental health nya yung rants mo."
"Laban lang po same po tayo nagkabaon baon din ako sa utang,ska mas nakakarami tlga ang utang kapag nang utang ka tpos ipangbabayad mo lng sa inutangan mo,pray ka lng lagi dhl darating din ang araw na mababayaran mo nautang mo at sa mga kaibigan ylgang ganyan po yan kpg wla kana pera lalayo tlga sila kc ndi tlga cla totoong kaibigan atlis alam mo kung sino ang totoo sayo bangon lang kaya mo yan.bsta pray ka lng ky God makakaya mo lahat."
"Nong meron ka, lahat masaya dahil pinapakinabangan ka! Nong ikaw ang nawalan, pati kaibigan mo for sure iiwanan ka.
I suggest, you make agreements with them, di mo naman tinatakbuhan liabilities mo."
"1) Wag ka mag rant, nakakasira ng araw. Wag kang bitter, ginusto mo yan.. 2) Gumawa ng paraan para mabayaran lahat ng utang. Itigil ang pangungutang, magdagdag ng source of income Kung kailangan na mag tipid ng sobra sobra, gawin mo, makabayad lang. Remember, it's your sole responsibility to pay your debt.. Pag Naka ahon na sa utang, wag. na uli mangutang. Cash is always better than credit. 4) Laging magdasal at manampalataya and Choose your friends wisely."
"ang bata mo pa naexperience mo yung ganyan although pwede naman bumangon pa kaya nga lang you have to identify alin ang unahin at ayusin mo muna ang mindsetting mo.... ganun talaga pag mali ang system... ganito gawin lahat ng responsibilities mo stop muna ang mga tubo pakiusapan mo sila at one step at a time settle mo sila.... gusto mo ng financial blueprint matutulongan kita share ko sayo ng FREE message mo lang ako happy to help you kahit di kita kilala because thats what we do we help people who are struggling financially our mission is to educate coz we care."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 2.4k reactions, 206 shares at 420 comments ang nabanggit na post.
Ikaw Ka-Balita, anong maipapayo mo kay anonymous sender?
----------------------------------------------------------
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.