November 22, 2024

Home SHOWBIZ

Willie, nanghinayang kay Leni: 'Sayang ngayon ko lang siya nakilala!'

Willie, nanghinayang kay Leni: 'Sayang ngayon ko lang siya nakilala!'
Photo courtesy: Screenhots from Wil To Win (YouTube)

Tila nakaramdam ng panghihinayang ang "Wil To Win" host at senatorial aspirant na si Willie Revillame nang magkaharap sila ng dating Vice President na si Leni Robredo kamakailan.

Isinalaysay ni "Wil To Win" Willie Revillame sa isang episode ng kaniyang variety show sa TV5 ang naging pagkikita nila ni dating Vice President Atty. Leni Robredo, nang magpaabot siya ng ayuda para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Naga City, Camarines Sur kamakailan.

Matatandaang personal na nagsadya ang TV host-senatorial aspirant sa Naga City upang personal na ibigay ang isang tseke na nagkakahalagang ₱3 milyon sa dating Vice President at Angat Buhay Foundation founder para tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Kristine.

Kasama pa nila sa pagtanggap ng nabanggit na donasyon si Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado, Jr.

Tsika at Intriga

It's Showtime hanggang December 2024 na lang daw sa GMA, papalitan ng TiktoClock?'

Labis-labis ang pasasalamat ni Robredo kay Revillame dahil sa personal pa niyang sinadya ang Naga City para makita na rin ang sitwasyon ng mga kababayang biktima ng bagyo at baha.

Nang sabihin ni Robredo na ipapadala na lamang niya ang resibo, sinabi ni Revillame na kahit wala na raw iyon.

"Bawal 'yon sa amin, eh. Kasi ina-account po namin lahat," sansala ng dating Vice President.

Nagpasalamat naman si Bordado sa kabutihang-loob ng TV host-senator aspirant na tinawag niyang "Senator Willie."

Napag-alaman daw ng kongresista na taga-Naga City pala ang nanay ni Willie, kaya ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpaabot ng tulong ang host-kandidato sa nabanggit na lugar. Pangalawa raw, nakita raw niya sa mga balita kung gaano kalala ang sitwasyon doon.

Kaya sa kaniyang show, tila nagkaroon ng panghihinayang si Willie na ngayon lang niya nakaharap at nakilala ang dating pangalawang pangulo. Aniya, kagaya raw niya at studio audience niya ay napakasimple lamang ng pamumuhay ni Leni.

"Alam n'yo si Vice President Leni, parang napakasarap yakapin na isang ina," ani Willie sa kaniyang studio audience.

"Napakasimple, sayang ngayon ko lang siya nakilala."

Maiiyak daw ang sinumang makapupunta sa Naga at makikita ang sitwasyon nila roon, kung paano sila winasak ng bagyo.

"Napakasimpleng tao. Katulad n'yo rin, at ako, simple, simple lang ang gusto. After ng meeting namin pumunta pa siya sa baha, 'Magpapalit lang ako ng damit.' Labindalawang barangay ang pupuntahan niya para bigyan ng mga pagkain. Maraming mga volunteers doon, mga kababayan natin sa Naga, kung makikita n'yo talaga namang malulungkot kayo dahil konti na lang 'yong kalsadang nadadaanan," kuwento pa ni Willie.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si dating VP Leni sa mga papuri ni Willie.

KAUGNAY NA BALITA: Willie, bilib kay Leni: 'Parang napakasarap yakapin na isang ina!'