October 31, 2024

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ilang mga pinakamalalang landslide sa Pilipinas

ALAMIN: Ilang mga pinakamalalang landslide sa Pilipinas
Photo courtesy: Manila Bulletin/Facebook

Taon-taon tinatanggap ng Pilipinas ang pagpasok ng bagyo sa bansa, na nag-iiwan ng malawakang pagbaha at tila pagkawasak din ng kalikasan.

Bilang ang Pilipinas ay binubuo rin ng bulubunduking lupain, hindi rin naiiwasan na maiulat ang ilang insidente ng landslide, na nauuwi rin sa pagkasawi ng maraming buhay.

Katunayan, nito lamang manalasa ang bagyong Kristine sa bansa, isang mapaminsalang landslide ang muling nangyari sa Talisay, Batangas noong Oktubre 24, 2024 at kumitil ng tinatayang 20 mga buhay. Habang nitong Martes, Oktubre 29, 2024 nang ihatid na sa huling hantungan ang 10 labi ng mga biktima.

Ang nangyari sa Batangas, ay ilan lamang sa mga pagguho ng lupa sa iba’t ibang parte ng bansa na kumikitil ng maraming buhay dahil sa paniningil ng kalikasan. Narito ang ilan sa mga mapaminsalang landslide sa bansa.

Human-Interest

Mga Kristiyano, binalaan; Labubu Dolls, likhang demonyo?

2009 Cordillera Landslides

Taong 2009 nang maitala ang malawakang landslide sa Cordillera Administrative Region (CAR), kung saan tinatayang umabot sa halos 250 ang mga nasawi sa umano’y 40 na landslides sa naturang rehiyon.

Ang nasabing pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng CAR ay dulot nang pananalasa ng bagyong Pepeng na siyang tumabon sa kabahayan ng ilang residente sa naturang rehiyon.

2012 Pantukan Compostela Valley

Nasa 25 na katao naman ang nasawi sa landslide na nangyari noon sa minahan ng Pantukan Compostela Valley bandang Enero 2012. Ayon pa sa ulat ng isang local media outlet, umabot din sa 150 katao ang sinasabing nawawala mula sa gumuhong lupa sa naturang minahan.

2014 Catbalogan Landslide

Ilang oras bago ang pagsalubong sa bagong taon, naharap sa masaklap na kapalaran ang Catbalogan, Samar, matapos ang landslide na naminsala sa halos limang barangay.

Sa ulat ng GMA News, 20 ang kumpirmadong nasawi sa naturang pagguho ng lupa sa Catbalogan dulo ng tropical storm Seniang.

2017 Biliran Landslide

Disyembre rin nang mangyari ang landslide sa probinsya ng Biliran. Tinatayang nasa 42 katao ang kinitil ng naturang pagguho ng lupa dulot ng noo’y bagyong Urduja. Nasa 14 indibidwal din ang naiulat na nawawala dahil sa insidente.

2018 Itogon, Benguet Landslide

Taong 2018 naman nang manalasa sa bansa ang kinilala noong pinakamalakas na bagyo sa buong mundo, ang bagyong Ompong. Isa sa mga probinsyang lubha umanong hinagupit ni Ompong ay ang Itogon, Benguet kung saan naiulat din ang landslide na kumitil sa tinatayang 54 katao.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ilan din sa napuruhan ng nasabing landslide ay ang minahan sa nasabing lugar.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa ilang mga landslide na minsan ng nangyari sa bansa na dulot man ng bagyo, ngunit pinalala rin dahil sa aktibidad ng mga tao. Kapag ang kalikasan na nga ba ang naningil, ano nga kaya ang sasapiting kabayaran?

Kate Garcia